Kasanayan trabaho para sa Makatizens

IPINAHAYAG ni dating Bise Presidente at kandidato sa pagka-kongresista sa unang distrito ng Makati na si Jejomar Binay na magpapatupad siya ng mga programang magbibigay ng trabaho sa kanyang mga nasasakupan, katulad ng libreng skills training sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ng scholarship grant.

Aniya, kaagad siyang magtatalaga ng scholarship fund sa TESDA upang magbigay ng libreng kasanayan sa kanyang mga nasasakupan. Aniya pa, maaari silang pumili kung aling mga kasanayan ang nais nilang paunlarin upang magamit sa pagtataguyod ng kanilang kabuhayan.

Sinabi rin ng dating mayor ng Makati na nais niyang magkaroon ng kasanayan at sapat na kakayahan ang mga residente ng Distrito 1 upang kaagad silang matanggap sa mga trabaho at magkaroon ng kabuhayan.

Si Binay ay tumatakbo bilang opisyal na kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA) sa ilalim ng ticket ng kasalukuyang alkalde ng Makati na si Abby Binay. Bago siya mahalal bilang Bise Presidente noong 2010, nagsilbi siyang alkalde ng lungsod mula 1986 hanggang 1998 at mula 2001 hanggang 2010.

Bilang alkalde, nagtagumpay si Binay sa pagpapatupad ng mga bagong konsepto sa edukasyon na nagtaguyod sa mabilis na pagkakaroon ng trabaho at pagnenegosyo, lalo na sa kabataan.

Naniniwala si Binay na hindi sapat na batayan sa matagumpay na edukasyon ang pagkakaroon ng diploma. Ang pinakamaganda aniyang resulta ng edukasyon, ay ang pagkakaroon ng magandang hanapbuhay at magandang kina    bukasan.

Sa kanyang suporta, nanguna ang University of Makati (UMak) sa pagpapatupad ng Dualized University Education System (DUES) sa ilalim ng pamumuno ng namayapang pangulo ng unibersidad na si Tomas Lopez.

Ang DUES ay isang educational at training strategy na gumagamit ng “pairs”, nagtutugma ng academic study sa apprenticeship, university sa industry, at classroom theory sa real-world practice. Isinusulong nito ang “learning by doing” at pinaghahalo ang training sa akademiko at industriya na naglalayong magbigay ng edukasyon na nakatuon sa karera.

Ang pagtataguyod ni Binay sa public-private partnership (PPP) ay nagbigay-daan sa patuloy na tagumpay ng DUES sa pagpapaunlad ng kakayahan at kasanayan ng mga UMak graduates. Sa kasalukuyan, mahigit 700 industry partners ang kaagapay ng unibersidad sa pagbigay ng on-the-job training sa mga estudyante at nakahandang trabaho para sa mga graduate ng UMak.

Ani Binay, ang tagumpay ng DUES ay mapapatunayan sa pamamagitan ng isandaang porsiyentong pagkakaroon ng trabaho, at ito ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng malakas at patuloy na pakikipagtulungan sa pribadong sektor.

Sa paglipas ng panahon, nakapagtala ang UMak ng above average passing rates sa licensure examinations, partikular sa Accountancy, Nursing at Education. Ang UMak College of Nursing ay itinanghal na pang-siyam sa mga nangungunang nursing schools sa bansa.

Noong 2012, tinanggap ng UMak ang hamon para sa pagpapatupad ng K to 12 senior high school program ng Department of Education, at inilunsad and Higher School ng UMak (HSU). Mula noong 2014, patuloy na nakakamit ng HSU ang 100 percent passing rate sa National Certification (NC) II at III assessment tests na pinangangasiwaan ng TESDA.

Ang HSU at pito pang pampublikong senior high schools sa lungsod ay  may iba-ibang academic tracks tulad ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), Accountancy, Business and Management (ABM), Humanities and Social Science (HUMSS), General Academic Strand (GAS), at Technical-Vocational-Livelihood (TVL).