Home>News>Nation>Lalaki minanyak PWD, arestado

Lalaki minanyak PWD, arestado

SINAMANTALA ng isang 29-anyos na lalaki ang kahinaan ng dalagitang may kapansanan matapos himuking sumama sa kanya bago ginawan ng kahalayan Lunes ng gabi sa Makati City.

Naaresto ng mga tauhan ng Bantay Bayan ang suspek na si Gerald Egot, 29, may asawa at naninirahan sa 640 Camiguin St., Bgy. Pitogo na positibong kinilala ng biktima sa harap ng mga opisyal ng barangay.

Batay sa natanggap na ulat ni Makati police chief P/Col. Harold Depositar, dakong alas-7 ng gabi nang lumabas ng kanilang bahay ang biktima, bitbit pa ang kanyang Person with Disability (PWD) ID na nagpapatunay sa pagkakaroon niya ng kapansanan.

Nang masalubong ng biktima ang suspek, niyakag at hinimok niya ang dalagita na sumama sa kanyang mamasyal, gamit ang minamanehong tricycle, na madali namang sinang-ayunan ng huli.

Gayunman, ipinarada umano ng suspek ang tricycle sa madilim na bahagi ng Pinos St. sa Bgy. Pinagkaisahan at dito na sinimulang hipuan sa maseselang parte ng katawan ang biktima.

Nang malaman ng ina ng PWD ang nangyari sa anak, humingi siya kaagad ng tulong sa barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong Sexual Abuse in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Publication Source :    People's Tonight