Home>News>Nation>LCSP: Libreng sakay hindi dapat tawaging ‘colorum’

LCSP: Libreng sakay hindi dapat tawaging ‘colorum’

MARIING hiniling kahapon ng commuter at transport group sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tingnan ulit ang kahulugan ng “colorum”.

Ang hiling ay ginawa ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) upang ang “Libreng Sakay” ay hindi matawag na colorum operation.

Ayon kay Inton noong mga unang araw na sinuspinde ang pasada ng public transport sa ilalim ng dating umiiral na ECQ ay naglibreng sakay ang ilang volunteers ng LCSP upang makauwi ang mga stranded na pasahero. Marami rin na pribadong sasakyan ang nagbayanihan para tumulong. Ang Laban TNVS at ANGKAS riders ay nag-libreng sakay din para sa mga health and non-health frontliners. At walang bayad ang pagsakay sa mga ito.

Sa ngayon, may mga local government units (LGU) na may programang libreng sakay upang makaambag sa kakulangan ng public transport. Ito ay mga sasakyan na arkilado ng LGU na nagbibigay ng libreng sakay. Karamihan dito ay mga provincial buses na natengga dahil walang operasyon. Per trip ang arkila ng LGU sa mga bus sa kani-kanilang ruta at pansamantalang pamamasada. Pero teka? Kung bayad ng LGU ang mga ito di ba’ t hindi mo matatawag na libre? Kung ikaw ang pasahero ay libre para sayo dahil hindi ka naman nagbayad ng pasahe dahil arkilado nga ang sasakyan at bayad ito ng LGU,”saad ni Inton.

Dagdag pa ni Inton: “Taxpayers money ika nga. Pero sa parte ng operator ay hindi libre ang kanyang pasada dahil inarkila sila ng LGU. Nilibre ng LGU ang mga pasahero at may special permit ito galing sa LTFRB. Pero paano kung ang mga inarkila ng LGU ay mga pribadong sasakyan at nag libreng sakay? Dito na pumapasok ang usaping colorum. Pag pribadong sasakyan at inarkila papasok sa colorum operation ang pasada maski ang intensyon ay magbigay ng libreng sakay.

Ayon kay Inton maraming lumapit sa LCSP na nahuling colorum dahil “nagbigay ng libreng sakay“.

Halimbawa, aniya, may van siya pero hiniram ng kaibigan para maghatid sa probinsiya. Usapan nila ay sagot ng kaibigan ang gasolina at pagkain at pocket money ng driver. “Dahil van mainit sa mata ng mga enforcers kaya na-flag down. Tinanong ang mga nakasakay kung nagbayad sila ang sagot ay oo pang gas at allowance ng driver. Hinuli na ito na colorum! Ha? Aba’y libre na ang gamit ng sasakyan pati ba naman gas at sa driver ilibre pa rin? Meron namang kaso na na isinasabay niya ang mga officemates niya araw-araw at imbes na mamasahe ay kino-contribute ang pamasahe at ibinibigay na sa may-ari ng sasakyan. Hinuli rin ito na colorum! Ha? Bakit? Alangan naman na libre sila habang buhay!,” ani Inton.

Marahil ay kailangan ay matingnan ulit ang kahulugan ng colorum upang ang “libreng sakay” ay hindi matawag na colorum operation. Kung hindi naman pang arkila o pasahe ang ibinigay na pera sa driver o sa may-ari ng sasakyan at hindi naman ito namasada para sa publiko. Colorum pa ba naman ang tawag dun?,” dagdag ni Inton.

Publication Source :    People's Tonight
Jun I. Legaspi
Reporter, People's Tonight