Home>News>Nation>Leonen absuwelto sa 82 tulog na kaso?

Leonen absuwelto sa 82 tulog na kaso?

PINARUSAHAN ng Korte Suprema ang isang Court of Appeals (CA) justice dahil hindi nito natapos at nadesisyunan ang 160 kasong nakasalang sa kanyang sala bago sumapit ang 2011.

Sa desisyong inilabas ng en banc (buo) ng nataas na korte nitong Hunyo 23 ng taong kasalukuyan, ang parusa kay Justice Marilyn B. Lagura – Yap ay hindi niya matatanggap ang kanyang isang taon sahod bilang “appellate justice” ng CA.

Sa desisyong “per curiam” (ng korte), napatunayan ng Korte Suprema na si Yap ay “guilty of gross efficiency” noong “presiding judge” siya ng Branch 28, Regional Trial Court ng Lungsod ng Mandaue nang hindi hindi niya natapos at nabigyan ng desisyon ang 160 kaso na nakaatang sa kanyang sala sa loob ng “reglementary period”.

Hindi rin naipasa ni Yap sa Judicial and Bar Council (JBC) ang kinakailangang sertipikasyon ng caseload noong mag-apply siya ng posisyon sa CA noong 2011, banggit sa desisyon ng mataas na korte.

Pinangaralan din ng mga mahistrado si Yap na magpamalas ito ng ibayong “sipag” sa paggampan ng tungkulin at obligasyon nito bilang bilang dispenser of justice”, lalo na ngayong mahistrado siya ng CA.

Itinala rin ng mataas na korte na ang parusa laban kay Yap ay dapat ipatupad sa loob ng 30 araw mula nang matanggap niya ang desisyon ng korte.

Malinaw ang bagsik at tapang ng parusang iginagawad ng pinakamataas na korte sa mga opisyal ng iba’t ibang dibisyon ng hudikatura.

Ipinunto rin ng pinakamataas na korte na kahit napakatagal na ng nagawa ng opisyal ng hudikatura ay hahabulin nito at siguradong paparusahan alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Korte Suprema.

Sa ibang salita, muling iginigiit ng Korte Suprema sa lahat ng opisyal at kasapi ng hudikatura tulad ni Justice Yap (na isang hakbang na lang ay posibleng maging justice din ng mataas na korte sa hinaharap) na trabaho, papel, tungkulin at obligasyon bilang “dispenser” ng katarungan.

Kasama si Associate Justice (AJ) Marvic Leonen sa lumahok sa en banc ng korte sa hatol na ginawa nito laban kay Yap.Sa kasalukuyan, si Leonen ang ikatlo sa tatlong pinakamataas na AJs ng mataas na korte. Siya ay naging kasapi ng Korte Suprema noong Nobyembre 2012.

Sumingaw sa media na hindi kontento si Leonen sa isang taong walang suweldo si Yap sa nagawa nitong pagpapabaya sa kanyang trabaho noong RTC judge pa ito. Ang iginiit ni Leonen ay matanggal si Yap sa CA.

Habang mistulang galit na galit si Leonen sa mga nabibinbin na mga kaso, umabot sa 82 kasong hawak ni Leonen ang hindi pa nito natatapos at nabibigyan ng desisyon bilang ponente.

Batay sa isang pahinang dokumento ng Korte Suprema hinggil sa mga kasong nakabahagi sa 15 mahistrado, nangunguna si Leonen sa AJ na 82 kasong nakabinbin sa kanyang tanggapan.

Tinalo pa nina Chief Justice Diosdado Peralta at Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe si Leonen sa paglalabas ng ponente.Nakasaad sa dokumento ng mataas na korte, limang kaso ang hindi napagpapasyahan ni Peralta, samantalang tatlo naman ang kay Bernabe.

Sina Peralta at Bernabe ay nakatakdang magretiro bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Kasama sa hindi pa nagdedesisyunan ni Leonen ang protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II laban kay Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.

Oktubre ng nakalipas na taon nakuha ni Leonen ang kaso na isinampa ni Marcos sa Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) noong Hunyo,2016.

Ang kaso ni Marcos ay kasama sa tinatawag na “non-aging” dahil bago matapos ang Setyembre ay naglabas ng desisyon si Leonen na nag-utos sa Commission on Election (Comelec) at Office of the Solicitor General (OSG) na maglabas ang dalawang ito ng kani-kanilang “memoranda”, o komentaryo, hinggil sa memoranda nina Marcos at Robredo sa desisyon ng PET noong Oktubre 2019 na ituloy ang “third cause” na hiniling ni Marcos.

Ang third cause ay tungkol sa reklamong malaganap na dayaan sa eleksyong naganap sa Laao del Sur, Basilan at Maguindanao.

Publication Source :    People's Tonight
Hector Lawas
Court reporter for more than 20 years