Home>News>Nation>Lolo, 70, timbog sa kasong carnapping

Lolo, 70, timbog sa kasong carnapping

BUMAGSAK sa kamay ng pinagsanib na elemento ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT) Special Operating Team/RHPU4A at Calamba City Police ang isang 70-anyos na Lolo hinggil sa kinasasangkutan nitong kaso ng Carnapping sa Calamba City, Laguna.

Halos mahigit na walong taong nagtago ang suspek, bago ito naaresto sa pamumuno ni Laguna HPG Chief PCapt. Charlie Reyes.

Ang suspek ay nakilalang si Bernardo Manuel, na papabilang sa Top 3 Most Wanted Persons, at residente ng Bgy. Real, Calamba City.

Sa isinumiteng ulat ni Reyes kay RHPU4A Regional Chief PLt. Col. Samson Belmonte, agarang nagkasa ang mga ito ng Operation Manhunt Charlie sa lugar dakong alas 4 p.m. noong nakaraang Martes matapos mamataan ng mga ito ang suspek.

Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Calamba City RTC Branch 35 Judge Gregorio M. Velasquez kaugnay ng paglabag sa kasong RA-6539 (Carnapping) mapalad na nadakip ng mga ito ang suspek.

May nirekomendang bail na umaabot sa halagang P170,000.

Samantala, nabatid sa talaan na responsable ang suspek sa kaso ng carnapping ng isang tricycle sa lungsod ng Calamba mahigit walong taon na ang nakakaraan kung saan nagawa nitong makatakas at makapagtago sa batas sa matagal na panahon.

Publication Source :    People's Tonight