Home>News>Nation>Lolo pinag-almusal ng bala!

Lolo pinag-almusal ng bala!

HINDI na nakabalik ng bahay ang isang senior citizen matapos pagbabarilin hanggang sa mamatay habang bumibili ng gatas para sa kanyang kapatid na babae sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Alberto Jumaya Paladin, 60, may asawa, walang trabaho at naninirahan sa 1558 Bato-Bato St., Bgy. Commonwealth, Quezon City.

Si Paladin ay namatay noon din sanhi ng siyam na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang -5:30 a.m. (January 25) nang maganap ang insidente sa harapan ng Spiritual Catholic Church of Muling Pagkabuhay na matatagpuan sa Bato-Bato St., Bgy. Commonwealth, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid Tanog, lumabas lamang umano sa kanilang tahanan ang biktima upang bumili ng gatas para sa kaniyang almusal, pero ilang minuto lamang ang nakalipas ay nakarinig ng putok ng baril ang kapatid niyang si Vicky.

Agad umanong lumabas ng bahay si Vicky at doon ay nakita na lamang niyang duguang nakabulagta ang kapatid na si Alberto at wala nang buhay.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph Infante ang siyam na basyo ng bala ng di pa batid na kalibre ng baril.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang upang makilala ang salarin.

Publication Source :    People's Tonight