Home>News>Nation>LTFRB: PUV registration para sa service contracting program tuloy

LTFRB: PUV registration para sa service contracting program tuloy

IPINAALAM ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa public utility vehicle drivers at operators na tuloy pa rin ang kanilang pagtanggap sa mga interesado sa Service Contracting Program.

Ito ay inihayag ng LTFRB matapos pirmahan ni President Rodrigo Duterte, ang Republic Act No. 11494, kilala bilang Bayanihan to Recover as One.

Sa ilalim nito, ang Service Contracting Program ay ma-eextend ayon sa Republic Act No. 11519, mula Disyembre 19, 2020 hanggang Marso 2021 o hanggang sa maubos ang lahat ng pondong inilaan para sa programa, alinman ang maunang mangyari.

Alinsunod ang Service Contracting Program ng Bayanihan to Recover As One na layong masiguro na may maasahan at ligtas na pampublikong transportasyon para sa mga commuters. Sa ilalim ng programa, libre din ang sakay para sa ating mga healthcare frontliners na patuloy na lumalaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ang mga interesadong Public Utility Vehicle (TPUJ, MPUJ, at PUB) driver na pumapasada sa mga bukas na ruta ngayong pandemya ay kwalipikado na magrehistro sa Service Contracting Program.

Tatanggap ng walk-in registration kada Lunes, Miyerkules, at Biyernes ngayong buong buwan ng Enero ang LTFRB) para sa mga drayber na interesadong sumali sa naturangg programa. Magtungo sa tanggapan ng LTFRB Central Office sa East Avenue 4th Floor, Multi-Purpose Hall tuwing 10 a.m., 1 p.m. at 3 p.m.

Upang masunod ang social distancing, magkakaroon ng queuing number na may cut-off na hanggang 120 na drayber kada araw at nililimitahan lamang kada batch ng orientation sa 40 na drayber. Mahigpit ding ipatutupad ang No Face Shield, No Face Mask, No Entry.

Para sa mga interesado na magrehistro, dalhin at kumpletuhin ang mga sumusunod na requirements: Photocopy ng Certificate of Public Convenience, Original at Photocopy ng Professional Driver’s License;Certification na pirmado ng operator na nagpapatunay na siya ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit; photocopy ng valid ID ng operator (likod at harap) na may tatlong pirma ng operator at Photocopy ng OR/CR ng mimamanehong Jeep.

Pagkatapos mag-register, ang qualified drivers ay sasailalim sa orientation na pamumunuan ng LTFRB at ng Systems Manager.

Regular na bisitahin ang LTFRB Official Facebook page para sa mga karagdagang impormasyon na ilalabas patungkol sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw. Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaring tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office – (02) 8529 – 7111 loc 845 o sa LTFRB 24/7 Hotline: 1342.

Publication Source :    People's Tonight
Jun I. Legaspi
Reporter, People's Tonight