LTO pinarangalan nagbuking sa abusadong TNVS driver

September 03, 2019

BILANG pagkilala sa kanyang katapangan laban sa pang-aabuso, pinarangalan ng Land Transportation Office – National Capital Region (LTO-NCR) ang babaeng nagbuking sa isang mapagsamantalang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver.

Sa flag raising ceremony ng LTO – NCR noong September 2, 2019, ginawaran ng Certificate of Appreciation ang pasahero at complainant na si Gillian Cortez.

Matatandaang nag-viral ang Twitter post ni Cortez matapos niyang ireklamo ang Grab driver na si Anselmo Benigno.

Ani Cortez, nahuli niyang inaangat ni Benigno ang kanyang palda nang magising mula sa pagkakaidlip sa biyahe dahil sa masamang pakiramdam noong ika-31 ng Hulyo.

Sa kanyang pahayag sa flag raising ceremony, sinabi ni Cortez na hindi ito ang unang beses na nakaranas siya ng pang-aabuso mula sa mga driver ng pampublikong sasakyan.

Sa kabila ng show cause order, hindi humarap sa mga pagdinig ng LTO-NCR si Benigno. Batay sa imbestigasyon.

Lumalabas na inabuso niya ang kanyang tungkulin bilang isang TNVS driver.

Dahil dito, kinansela na ang driver’s license ni Benigno.

Isinumite na rin ng LTO-NCR ang case records laban sa naturang driver sa Philippine National Police (PNP) para mabigyan ng karampatang aksyon.

Nagpasalamat naman si Cortez sa LTO-NCR para sa mabilis na pagresolba ng kanyang reklamo at agarang pagkamit ng hustisya laban sa mapang-abusong driver.

“I want to thank the LTO for making sure that at least one guy is not going to do this again to other women,” ani Cortez.

Nanawagan din siya sa lahat ng mga biktima ng ano mang uri ng harassment na huwag matakot at magsumbong agad sa LTO o iba pang otoridad sakaling makaranas ng kaparehong pang-aabuso.

Giit naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, hindi kinukunsinti ng kagawaran ang mga mapang-abusong driver tulad ni Benigno.

“Kung ano ang tiwalang ibinibigay ng publiko sa paggamit ng mga public utility vehicle, sinasalamin nito ang tiwalang ibinibigay nila sa gobyerno. Kaya hinding-hindi natin hahayaang masira ang tiwalang ito,” ani de Leon.

Mariin naman ang banta ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante sa mga mapang-abusong tsuper.

“Oras na abusuhin niyo ang tiwalang ibinibigay ng pamahalaan para kayo’y makapaghanapbuhay, hindi kami magdadalawang-isip na bawiin sa inyo ang karapatan na ‘yan,” pagpupunto ni Asec. Galvante.