Home>News>Nation>Malaking infra aalamin sa bicam — solon

Malaking infra aalamin sa bicam — solon

AALAMIN ni Sen. Panfilo Lacson ang malaking halaga ng infrastructure projects na napabalitang nagkakahalaga ng P620 milyon hanggang P15 bilyon sa bawat distrito sa darating na bicameral conference committee ng P4.5 trilyong pambansang badyet.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P659 bilyong badyet ng Department of Public Works and Highway (DPWH), sinabi ni Lacson na napunta sa mga distrito ng mga mambabatas ang malaking halaga ng alokasyon.

“Colleagues, all I can say is, pity yourselves, those of us who may have individual insertions, it will make you look like barangay kagawads compared to our House counterparts. You see, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million,” ani Lacson.

Tumanggi naman si Lacson na tukuyin ang mga pangalan ng mga mambabatas na nakakuha ng malaking infrastructure projects kasabay ng pahayag na mainam na mai-focus ang usapin sa mga distrito kaysa sa personalidad.

Malinaw, ayon kay Lacson, na hindi dapat sisihin ang DPWH sa malaking infrastructure projects.

Naunang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at Rep. Eric Yap na ang DPWH ang dapat na magpaliwanag sa mga infrastructure projects na pinondohan sa ilalim ng 2021 budget.

Gayunpaman sinabi ni Lacson na kanyang suportado ang posisyon ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte na hindi tiwali si DPWH Sec. Mark Villar.

Sinabi ni Lacson na hindi pa dapat magbunyi ang mga mambabatas sa kanilang malaking 2021 budget dahil maaari pa itong amyendahan at baguhin sa bicameral conference meeting.

Sa paghimay ng Senado sa panukalang P4.5 trilyong pambansang badyet, naunang ibinunyag ni Lacson na kitang-kita umano ang malaking diperensya sa laki ng badyet sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.

Inihalimbawa ni Lacson ang isang distrito sa Davao na mayroon umanong badyet sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon habang P7.5 bilyon sa Albay, P7.9 bilyon sa Benguet at P3.7 bilyon sa Abra.

Magugunitang sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco naipasa ng Kamara de Representantes ang 2021 pambansang badyet sa ikatlo at huling pagbasa.

Hindi pa sumasagot si Velasco sa nasabing akusasyon ni Lacson kaugnay sa hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds.

Magugunitang ginamit ang nasabing isyu ng hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds laban sa noon ay Speaker Alan Peter Cayetano ng Taguig City-Pateros ng mga kaalyado ni Velasco sa pangunguna ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.