Home>News>Nation>Marcos matatag sa NCR

Marcos matatag sa NCR

Bong bong Marcos
Consistent sa latest OCTA Research survey

HINDI natinag sa pwesto si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. base sa survey ng Octa Research para sa susunod na presidential election sa 2022.

Sa isinagawang survey ng nasabing grupo sa kalakhang Maynila mula Disyembre 9 hanggang 13 ng nagdaang taon, ikalawa sa pinakagusto ng mga respondent para maging susunod na pangulo si Marcos.

Patunay ito na matatag si Marcos sa NCR base sa 14% botong nakuha niya kasunod ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Isko Moreno na nakakuha naman ng 19%.

Nauna rito, si Marcos din ang lumutang bilang mas pinapaboran bilang susunod na pangulo kumpara kay Vice President Leni Robredo sa isinagawang survey naman ng Pulse Asia mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 2, 2020.

Sa 2,400 repondents sa naturang survey, pumangalawa si Marcos sa iskor na 14 porsiyento kasunod ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa iskor na 26%.
Ikaanim si Robredo na walong porsiyento lamang.

Pero sa Metro Manila, nakaungos si Marcos dahil siya ang nanguna sa puntos na 20 percent kasunod si Moreno na mayroon namang 18 percent.

Ang laban nina Marcos at Robredo sa eleksyon sa pagkapangalawang pangulo ng bansa ay hindi pa tapos dahil hindi pa naglalabas ng opisyal at pinal na desisyon ang Presidential Electoral Tribunal (PET) hinggil sa “totoong nanalo” sa naturang posisyon.

Natapos ang 2020, nanatili pa rin sa tanggapan ni Associate Justice Marvic Leonen ang protestang elektoral ni Marcos laban kay Robredo.

Sa Oktubre ay simula na ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa mga tatakbo sa pagkapangulo at pagka-pangalawang pangulo ng bansa.

Inaasahang mababago pa ang resulta ng survey ng iba’t ibang kumpanya sa mga susunod na araw.