Mga maralitang residente ng Cabuyao, nagpasalamat sa PCUP

September 16, 2019

TAOS sa pusong nagpasalamat  ang mga maralitang residente ng Cabuyao, Laguna kabilang ang  salat sa buhay na senior citizen sa medical mission ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa nasabing lalawigan, ayon sa authority.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay masayang nakatanggap ng libreng check-up ang 55 –anyos na si Nanay  Belen Toledo ng  Southville 1, Bgy. Marinig, Cabuyao, Laguna mula sa PCUP caravan na ginanap sa covered court.

Napagalaman na kasama ang kanyang apo, maaga pa lamang ay pumila na si Nanay Belen sa isinagawang medical mission ng PCSO at City Health na isang medical team ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao para makatanggap ng serbisyong medikal at libreng gamot mula sa PCUP.

Si Nanay Belen  ay mahina na ang pangangatawan kaya’t hindi na niya kaya pang magtrabaho habang sa ngayon, ang trabaho ng kanyang mister ay nagtitinda na lamang ng kamoteng kahoy sa talipapa ng Cabuyao.

Labis-labis ang kaligayahan ni Nanay Belen  dahil sa wakas ay nabigyan siya ng libreng check-up at mga gamot.

“Gusto ko sanang magpakonsulta sa doktor at magpagamot dahil lagi akong nahihilo, sumasakit ang dibdib at inuubo pero wala naman akong pambayad,” saad ni Nanay Belen.

Ang  PCUP  ay patuloy sa pagbigay ng  mga serbisyo sa mga maralitang residene sa mga  ahensya ng pamahalaan at  mga pribado.