Mga probisyon sa RA 10592, linawin—Sen. Go

September 02, 2019

‘Wag na magsisihan, ayusin ang sistema’.

NANAWAGAN si Sen. Bong sa publiko na maging mahinahon gayundin sa mga kapwa mambabatas na huwag magsisihan kaugnay ng kontrobersiya sa pagpapalaya sa mga convict sa ilalim ng Republic Act 10592 na “sumabog” sa naunsiyaming paglabas sa kulungan ni convicted rapist-murder Antonio Sanchez.

“Gusto ko po linawin na hindi tayo nandito para magsisihan. Nandito tayo para ayusin ang sistema at siguraduhin na hindi maipagkakait ang hustisya para sa mga biktima ng krimen,” ayon kay Go.

Ayon sa senador, welcome sa kanya ang imbestigasyon na ito para malaman ng tao ang totoo at sa katunayan aniya ay pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsisiyasat para malaman ang mga lapses at kung may kailangang managot sa nangyari.

Para kay Go, kailangang silipin at linawin ang mga probisyon ng Republic Act 10592 pati na rin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito. “Sa ngayon kasi, nagmumukhang iba-iba ang interpretasyon ng batas at may mali sa application ng batas na ito,” aniya.

Ngunit pinanindigan ng senador na hindi tama na ang isang high-profile convict na pinatawan ng pitong reclusion perpetua dahil sa karumal-dumal na krimen at nahulihan ng iligal na droga sa loob ng bilangguan ay bigla na lang mapapalaya.

Sinabi niya na maaaring maganda ang layunin ng RA 10592 para sa mga kriminal na makapagbagong buhay pero dapat aniyang tiyakin na kung sino man ang mapalaya sa batas ay ‘yung mga qualified talaga for Good Conduct Time Allowance (GCTA).

“Sa aking pananaw, kailangang suriin nang mabuti ang pinanggalingan at aplikasyon ng batas na ito: Kailan ba ipinasa ang batas na ito? Sino ba ang nagsulat at nag-apruba ng Implementing Rules and Regulations na nagsabing kasama ang mga convicted sa heinous crimes sa computation ng GCTA? Bakit ba naging ganyan ang aplikasyon ng batas? Kailan pa ba yan ginagawa? Saan ba ang lapses? Sa implementasyon ng batas o sa itinakdang polisiya mismo?” pahayag ni Go.

Anang senador, kailangang amyendahan ang IRR o maging ang mismong batas at suportado niya ang mga panukala dito sa Senado.

“Paano naman naging “good behavior” ang pagpupuslit ng shabu at marijuana sa loob ng bilangguan? Ginamit pa ang estatwa ng Birheng Maria para magtago ng shabu. Ang mga taong gumagawa nito ay walang konsensya at walang takot sa Diyos. Good conduct ba ito? Paano ba nakokonsidera na good conduct? Ano ba ang qualifications? Gusto natin malaman ano ba ang implikasyon sa GCTA kung magkaroon ng prison violations ang mga inmates,” ang mga tanong ni Sen. Go.

Ayon sa senador, panahon na rin upang muling  bisitahin ang kasalukuyang estado ng mga bilangguan.  

“Dati, ginagawa ang iligal na droga mismo sa loob ng kulungan, ngayon sinasabi natin hindi na. Ano na ba ang status ng illegal drug clearing ng BuCor? Ano na ang ginagawa ng BuCor para tuluyang mawala ito?” aniya.

Idiniin ni Go na kapwa sila ni Duterte na galit sa mga kriminal lalo sa mga sangkot sa heinous crime.

“Huwag natin ipagkait ang hustisya sa mga biktimang nangulila dahil lang sa isang batas na salungat sa hustisyang ating inaasam para sa bawat Pilipino,” dagdag niya.