Home>News>Nation>Misis nabagsakan ng puno ang bahay, patay!

Misis nabagsakan ng puno ang bahay, patay!

Bahay
Ang mga barangay officials na nagputol ng ‘killer’ puno. Kuha ni GIL AMAN

PATAY ang isang 24-anyos na ginang matapos aksidenteng mabagsakan ng malaking puno ang kanilang bahay habang bumubuhos ang malakas na ulan dulot ng bagyong Quinta samantalang sugatan ang kanyang mister at nakababata nitong kapatid kahapon ng umaga sa Bgy. Concepcion San Pablo City, Laguna.

Kinilala ni San Pablo City,Laguna Mayor Loreto Amante ang nasawing biktima na si Mary Grace Anonuevo. Nabalian ng binti ang mister nitong si Rommel Anonuevo,23.

Ang kapatid ng biktima na si John Rex ay sugatan din dahil sa pagbagsak ng malaking puno dakong 9 a.m.

Kumakain ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay ng biglang bumagsak ang malaking puno sa kanilang bahay mula sa itaas ng creek.

Nasapul ng malalaking sanga sa ulo at katawan ang biktima habang ang magkapatid na Rommel ay nagtamo ng maraming sugat sa kanilang katawan at pagkabali ng paa.

Samantala, mapalad naman na hindi nasugatan ang dalawa nilang anak na babae na nasa loob ng kanilang kuwarto ng maganap ang insidente.

Agarang humingi ng tulong sa mga awtoridad ang nakatalagang Bgy. Secretary na si Cherry Taboso.

Mabilisang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ni Amante sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) para magsagawa ng rescue at clearing operation kabilang ang pamunuan ng barangay kung saan minalas na bawian din ng buhay ang biktima.

Nauna rito, nagbabala si Banting sa mga biktima na pansamantalang lumikas sa lugar kung saan nanatili pa rin ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa kabila ng humahagupit na ang malakas na bagyong Quinta.

Publication Source :    People's Tonight