Home>News>Nation>Nanunog sa konduktora kambal ng dating mister

Nanunog sa konduktora kambal ng dating mister

Suspek naka-relasyon din ng biktima

MATINDING galit umano ang nag udyok sa lalaking nanunog ng bus matapos umanong madiskubre na may iba pang karelasyon ang nasawing konduktora na dati ring asawa ng kaniyang kakambal.

Nakilala na ng Quezon City -Bureau of Fire Protection (QC-BFP) ang lalaking nanunog ng bus na sinasabing karelasyon nang niliyabang konduktora at matapos ay sinunog din ang sarili sa loob ng pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong nakaraang Enero 3.

Kinilala ni QC-BFP operations chief Fire Chief Inspector Joseph del Mundo, ang nanunog at nagsunog sa sarili na si Edwin Dejos, 49, live-in partner ng niliyabang konduktora na si “Amy” Sembrana.

Nabatid na si Dejos ay kakambal ng naging mister na si Sembrana at nang mamatay ito ay naging karelasyon nito ang kapatid at nagkaroon siya dito ng tatlong anak.

Aniya, nag-away umano si Dejos at ang konduktora matapos madiskubre na may iba pa itong karelasyon bukod sa kanya.

Sa galit biglang binuhusan ng una ng flammable liquid si Sembrana at niliyaban.

Pagkatapos ay nagbuhos din ang lalaki at sinunog din ang kaniyang sarili, at dahil sa mga plastic barriers ay mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng sasakyan kaya sa taranta ay nagsitalunan ang mga pasahero sa binasag na bintana ng bus.

Siyam na anak ang naulila ng konduktora sa iba’t ibang lalaking naging karelasyon nito.

Wala pang nagke-claim sa sunog na bangkay ni Dejos na sinasabing taga-Cebu City, na hanggang sa ngayon ay nakalagak pa rin sa Rizaldy Funeral Homes sa Barangay Payatas sa Quezon City.

Publication Source :    People's Tonight