Home>News>Nation>Obrero binaril sa mukha ng RIT, dedo

Obrero binaril sa mukha ng RIT, dedo

ISANG tama ng baril sa mukha ang tumapos sa buhay ng isang construction worker matapos barilin ng riding-in-tandem sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Ernie Tiozon Vivero, nasa hustong gulang, binata, construction worker, tubong Leyte at residente ng De Gloria Extension, Area-B, Talanay, Bgy. Batasan Hills, Quezon City. Siya ay namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa mukha at katawan

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 10:20 p.m. (December 25), ng mangyari ang pamamaril sa harap ng Edgar LPG store located along De Gloria Extension, Area-B, Talanay, Bgy. Batasan Hills, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Anthony R Tejerero, sinabi ng nakasaksing si Martin Depaz na nakaupo umano siya sa kaniyang motorsiklo nang makita niya ang dalawang di-kilalang lalaki na sakay ng itim ng Yamaha Nmax, nakamaskara, nakasuot ng ballcap at itim na jacket na tumapat sa biktima at agad na pinagbabaril ng back rider.

Hindi pa aniya nasiyahan ay bumaba pa ang back rider at malapitang binaril sa mukha ang duguan nang nakabulagtang biktima.

Nang matiyak na patay na ang target ay agad na tumakas ang tandem patungong Senatorial Road, Talanay, Bgy. Batasan Hills, sa lungsod.

Nasamsasam sa crime scene ng SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph Infante ang limang basyo ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyari.

Publication Source :    People's Tonight