Home>News>Nation>Pagpapaigting ng karapatan, kapakanan ng freelance workers suportado ni Go

Pagpapaigting ng karapatan, kapakanan ng freelance workers suportado ni Go

Bong Go
Senator Christopher "Bong" Go

SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang magtitiyak na ang proteksyong ibibigay sa freelancers ay kahalintulad ng tinatanggap ng mga regular na empleyado.

Sa katunayan, co-sponsor si Sen. Go sa Senate Bill No. 1810 o Freelancers Protection Act na inihain nina Senators Joel Villanueva at Ramon Revilla na magbibigay ng proteksyon sa mga freelance worker sa bansa.

Sa kanyang manifestation sa Senate session, sinabi ni Go na ang “freelancing” ay isang paraan upang magkaroon ng ikabubuhay lalo ngayong panahon ng krisis.

“It is about time that the law recognizes the importance of the industry and the necessity of ensuring that our freelancers will not be abused,” ani Go.

Dahil aniya sa epekto ng pandemya, sinabi ni Go na maraming kompanya na nagsara ng mga negosyo dahilan upang humanap ng alternatibo o ibang mapagkakakitaan ang ating mga kababayan.

“Maraming mga kompanya na ang nagsara at madami sa mga kababayan natin ay nahihirapan kumita ngayon. Ang tanging paraan lang nila upang kumita ay ang pag-freelance,” aniya.

“This is the least we could do to make sure their rights and well-being are protected,” dagdag ni Go.

Aniya, mas gusto ng maraming trabahador na gawin ang kanilang gawain sa kanilang sariling paraan at dapat na kilalanin ngayon ng batas ang umuusbong na paraang ito upang kumita.

“Hindi dapat matali sa lumang sistema ang pagtingin ng batas sa pagkita ng pera. As the society evolves, so must our laws,” sabi ng senador.

Dahil dito, pinuri ni Go ang kasamang si Senator Villanueva sa pag-sponsor ng panukala.

“I applaud the good sponsor, Senator Joel Villanueva, and our colleagues here in the Senate for pushing for this important measure,” aniya.

Dahil sa kawalan ng formal written contracts sa pagitan nila at mga kliyente, ang freelance workers ay nagiging bukas sa mga pag-abuso.

Sa nasabing panukala ay ginagarantiyahan ang kapakanan ng freelance workers, kabilang ang kanilang karapatan sa financial services, education and skills training, social welfare benefits at iba pa.

Upang mapatibay ito, isinusulong ang pagtatatag ng freelancers o freelancers association na magiging katuwang ng pamahalan sa pagkalap ng eksaktong datos at statistics upang sila ay mabigyan ng tulong.

Aatasan din nito ang Department of Labor and Employment na magsagawa ng seminars sa mga legal na usapin sa freelancers.

Matatandaan na sa gitna ng community quarantine, nanawagan si Go sa mga kinauukulan na bigyang pansin o tulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic, kabilang ang freelance workers.

“Dahil sa economic impacts ng pandemya, marami po sa kanila ay hindi makapagtrabaho o nahihirapang humanap ng trabaho. Nararapat lamang po na mabigyan sila ng tulong ng pamahalaan, lalo na iyong mga pinaka-nangangailangan nito,” sabi ni Go.