Home>News>Nation>Pagpapauwi sa OFW, higit pa sa tungkulin ng gobyerno – Bello

Pagpapauwi sa OFW, higit pa sa tungkulin ng gobyerno – Bello

ANG mga hakbangin upang ma-repatriate ang mga overseas Filipino worker — buhay man o patay – sa gitna ng global health crisis ay higit pa sa tungkulin ng pamahalaan, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ipinahayag ito ni Bello sa ginanap na state welcome para sa 72 labi ng mga OFW mula Saudi Arabia nitong Biyernes, ang ika-apat na batch ng mga na-repatriate mula sa KSA mula noong Hulyo. Karamihan sa mga naiuwi ay namatay dahil sa Covid.

“Ginagawa namin ito hindi lamang dahil tungkulin ito ng gobyerno; ito ay isang pamamaraan ng pamahalaan upang magbigay respeto at kilalanin ang natatanging kontribusyon ng ating mga bagong bayani sa pag-unlad ng pamilyang Pilipino at ng bansa,” wika ni Bello.

Sa kabuuang naiuwi, 62 ang namatay dahil sa Covid related disease habang ang 10 ay binawian ng buhay sa ibang kadahilanan. Sila ay naiuwi via Philippine Airlines chartered flight PR 8683.

Sa mga naiuwing labi, 40 ay mula sa Al Khobar, 17 sa Jeddah at 15 ay mula sa Riyadh.

Samantala, tatlong labi pa ng OFW na nagmula sa Riyadh, na unang hindi naisabay sa chartered flight ay naiuwi na rin kahapon sakay ng isang commercial flight ng PAL. Namatay naman sila bunsod ng ibang karamdaman.

Dahil dito, mayroon ng kabuuang 267 na labi ng mga OFW ang naiuwi mula sa KSA, kabilang ang unang tatlong batch na naiuwi nitong Hulyo.

Mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, ang mga labi na kinilala bilang Covid case ay agad na dinala sa pinakamalapit na crematorium habang ang iba ay naiuwi na sa kanilang mga probinsya at sinagot na rin ng pamahalaan ang gastos para dito.

Dumalo sa nasabing seremonya para sa mga labi ng modern day hero ang mga opisyal ng pamahalaan na sina Defense Undersecretary Cesar Yano, former labor secretary Marianito Roque na kumatawan kay Bello, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac.