Home>News>Nation>Pahirap sa magsasaka, rice smuggling binira ni Bong Go

Pahirap sa magsasaka, rice smuggling binira ni Bong Go

Bong Go

INUPAKAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang patuloy na smuggling ng bigas sa bansa na nagpapahirap sa ating mga magsasaka.

Nanawagan ang senador sa lahat ng concerned agencies na protektahan ang kapakanan at interes ng maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagtugis sa mga abusadong negosyante at rice smugglers.

Sa kanyang manifestation sa public hearing ng Senate committee on agriculture, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pag-overhaul sa rice importation system sa bansa.

Sa panahon ng krisis at pandemya, ang ating mga masisipag na magsasaka ang nagsisilbing kasangga ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Go.

Bilang mga nagsisilbing food providers ng ating bayan, nararapat lamang po na maglaan tayo ng epektibong mekanismo na mangangalaga sa kapakanan ng ating mga magsasaka,” aniya.

Ipinunto niya na sa kabila ng COVID-19 pandemic, patuloy ang mga abusadong rice traders at importers sa pananamantala kaya nahihirapan ang mga Filipinong magsasaka sa kanilang kabuhayan.

Marami po sa ating mga magsasaka ang naapektuhan at tuluyang nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa pandemya. Patong-patong na problema at balakid po ang dinaranas ng ating mga magsasaka, hindi ko po matatanggap na sa kabila ng hirap na dinaranas ng ating mga magsasaka ay talamak pa rin ang issue ng rice smuggling sa ating bansa,” ayon kay Go.

Dagdag pa aniya rito ang pananamantala at panloloko ng ilang malalaking rice traders at rice importers kaya hindi ito dapat palagpasin ng mga kinauukulan.

Idinii ni Go na sa kabila ng pagpapasa ng Republic Act No. 11203 o “An Act Liberalizing the Importation, Exportation and Trading of Rice” or the Rice Tariffication Law na nag-aalis sa quantitative restrictions sa rice importation, kailangan pa rin ng pamahalaan na maging proactive sa pagprotekta sa interes ng mga magsasaka.

Huwag po nating hayaang tuluyang maghirap ang ating mga magsasaka. Kamakailan lamang po, nagkaroon ng imbestigasyon ang NBI ng mga unscrupulous rice traders sa Tarlac, ituloy-tuloy lang po ang kampanya natin laban sa korapsyon at smuggling,” anang senador.

Kamakailan sa committee hearing sa panukalang 2021 budget ng Department of Agriculture, nangako si Go na ipasisiyasat ang rice smuggling ng isang kooperatiba sa Tarlac.

Tiniyak naman ng Department of Justice at National Bureau of Investigation na pananagutin ang mga sangkot na rice smugglers.

“Bakit po nakakalusot ang ganitong pangyayari? Ano po ang gagawin ng Bureau of Customs and Bureau of Plant and Indusrty para hindi maulit ang paggamit sa cooperatives as passes?” ani Go.

Dahil dito, iginiit ni Go sa Department of Agriculture at sa mga attached agencies nito na siguruhing mapoproteksyonan ang mga magsasaka para maiangat ang kanilang kabuhayan.

Para po sa mga magsasaka, kung mayroon po kayong nakikitang anomalya, bukas po ang aking opisina para pakinggan kayo at ako po ang magiging tulay ninyo kay Pangulong Duterte. Katuwang ninyo po ako upang sugpuin ang mga katiwaliang patuloy na nagpapahirap sa inyong kalagayan,” aniya