Pamasko ni Abby

November 21, 2018

Libreng emission test, gift packs, pamasko sa Makati jeep, trike drivers
INATASAN ni Makati Mayor Abby Binay ang Public Safety Department (PSD) ng lungsod na magsagawa ng libreng smoke emission test para sa mga pampublikong jeepney na bumibyahe sa lungsod upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa kabuhayan ng mga jeepney driver.

Nakapwesto ngayong araw ang Anti-Smoke Belching Unit (ASBU) team ng PSD sa PRC-Carmona area upang isagawa ang naturang free emission test, na karaniwang may bayad na P300 bilang itinakdang fee sa ilalim ng Vehicle Emission Control Code of Makati o City Ordinance No. 2004-032.

Ayon kay Mayor Abby, nais ng kanyang pamunuan na kahit papaano ay mapagaan ang hirap na dinaranas ng mga jeepney driver sa araw-araw nilang pagkayod upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya.

Kamakailan, inumpisahan din ng alkalde ang pamamahagi ng Pamaskong Handog tickets sa mga kasapi ng mga organisadong transport group sa lungsod, kabilang ang Makati Tricycle Federation (MATRIFED) at ang Federation of Jeepney Drivers-Operators Associations.

Ang bawat tiket ay maipapalit ng isang Christmas gift pack na may isang Makatizen string bag, dalawang T-shirts, sari-saring produktong delata, spaghetti pasta at sauce, condensed milk, cheese, cream at fruit cocktail.

Paliwanag ni Mayor Abby, kinikilala ng kanyang administrasyon ang mga tricycle at jeepney drivers at operators bilang mahalagang partners ng pamahalaang lungsod sa paglilingkod sa Makatizens. Aniya, ang kanilang serbisyo sa mamamayan ay nagsusulong din sa kaunlaran ng lungsod, at kahit sa simpleng paraan ay nais niyang maipadama sa kanila ang pasasalamat.

Ibinahagi din ng alkalde na nakikipagpulong siya sa mga naturang grupo sa mga barangay upang alamin ang kanilang mga pangunahing problema at makagawa ng paraan upang sila ay matulungan. Kasabay nito, hinihimok niya rin silang palaging sumunod sa batas trapiko at maging responsableng motorista upang mapangalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero, pati na ng mga kapwa motorista.

Ayon kay Mayor Abby, ipagpapatuloy ng pamahalaang lungsod ang pagsasagawa ng libreng emission test para sa mga PUV, kabilang ang mga tricycle, gamit ang bagong smoke meters na bibilhin ng lungsod. Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang lungsod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa maido-donate nitong smoke meters sa lungsod.

Sa mga naunang free emission test na isinagawa kamakailan, nabigyan ng serbisyo ng ASBU ang nasa 175 PUJ sa iba’t ibang terminal sa lungsod. Kabilang dito ang 81 na bumibyahe sa Pateros-Market! Market! route, Guadalupe via Market! Market!, Buting via Guadalupe, Ayala via Pateros, at Guadalupe via Pateros. Sa Guadalupe- Leon Guinto via PRC terminal naman, may 94 unit na nabigyan ng libreng emission test.

Samantala, nakatakdang makipag-pulong si Mayor Abby sa iba pang grupo sa ilalim ng MATRIFED sa iba’t ibang barangay sa mga darating na linggo, kasabay ng pamamahagi niya ng Pamaskong Handog tickets sa mga kasapi dito.