Panay Electric Company execs ipapatawag!

November 17, 2018

IGINIIT ng mga konsehal na ipatawag ng Sangguniang Panlunsod ng Iloilo ang pamunuan ng Panay Electric Company (PECO) upang linawin ang naging pahayag umano ni PECO legal counsel Atty. Inocencio Ferrer na ititigil ang kanilang operasyon sakaling hindi mabigyan ng prangkisa ng Kongreso.

Nabahala ang mga opisyal sa bantang malawakang blackout sa Iloilo City na nag-ugat sa mapapasong prangkisa ng PECO sa Enero 19, 2019.

Sinabi ni Councilor Joshua Alim na hindi dapat takutin ang mga konsiyumer sakaling hindi mabigyan ng prangkisa ng Kongreso ang PECO.

Naniniwala naman si Alim na hindi tatalikod ang pamilya Cacho, may-ari ng mayorya ng sapi ng PECO, sa kanilang pahayag umano sa pagdinig ng Senate committee on public services na pinamununuan ni Sen. Grace Poe na itutuloy ang kanilang serbisyo.

Samantala nais ni Councilor Armand Parcon na ipatawag ang mga opisyal ng PECO sa Nobyembre 29.

Sinabi ni Parcon na mahalagang marinig mismo sa mga taga-PECO ang kasiguraduhan ng pagpapatuloy ng serbisyo nito hanggang sa makapasok kung sino man ang mabibigyan ng prangkisa.

Sa ngayon ay nasa House committee on legislative franchises pa rin ang aplikasyon ng PECO sa renewal ng kanilang prangkisa dahil sa umano’y mga isyung kanilang dapat harapin.

Samantala nakaakyat na sa Senado at isasalang na sa pag-apruba sa ikalawang pagbasa ang aplikasyon ng MORE Electric  and Power Company bilang bagong distribution utility sa Iloilo City.

Iimbitahan naman ni Iloilo City Mayor Joe Espinosa III si Poe at ibang mga sektor para pagusapan ang mga plano sa posibleng transition sa operasyon ng power distribution sa Iloilo City.

Naunang iginiit ni PECO president Miguel Cacho na magtutuloy ang kanilang operasyon sa abot ng kanilang makakaya.

Sinabi naman ni Ferrer na hindi sila tatalikod sa serbisyo basta hindi ipapatigil ang kanilang operasyon.