Pantawid pasada

MARIING nanawagan ang dating MMDA Chair at pambatong senador ng administrasyon na si Francis Tolentino para sa pagpapalawak ng Pantawid Pasada Program (PPP) para makinabang na rin dito ang mga tricycle “upang tulungan silang ibsan ang epekto ng taas-babang presyo ng gasolina.”

Ani Tolentino, matutulungan ng husto ng P5,000 hanggang P10,000 pagtaas sa subsidiyang pantawid pasada ang kabuhayan ng mga tsuper at nagmamaneho dahil “ang kasalukuyang P20,514 kada taon ay kulang pa rin sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin kaakibat ng pagmahal ng gasolina.”

Nakatakdang makinabang mula sa nakalaang P3.86 bilyon piso ngayong taon ang tinatayang 180,000 mga operator at drayber ng dyip mula sa nasabing programa. Inilaan ito upang ibsan ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion  (TRAIN) Law. Sa pagtaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 88,209 piraso ng fuel cards na ang naipapamahagi mula Hulyo 2018 hanggang Pebrero ngayong taon.

Nanawagan din si Tolentino sa pagpapalawak pa ng nasabing programa upang pakinabangan na rin ito ng mga nagmamaneho ng pampasadang tricycle dahil “halos ganun din ang dami ng mga gumagamit nito, hindi lamang sa mga lungsod kundi lalo na sa mga kanayunan na kadalasang hindi nasasakop sa ruta ng mga dyip.”

“Pantay-pantay sana nating ipamahagi ang pakinabang mula sa Pantawid Pasada Program. Gumagamit din ng gasolina ang mga tricycle at ang mga drayber at operator nito ay kasama ring nasasaktan sa bawat pag-angat ng presyo ng produktong langis. Lalo na ngayon dahil sa init na dala ng El Niño, mas kailangan ng mga ordinaryong Pilipino ang mga trycycle.”

“Huwag nating hayaang magkadahilan ang ating mga kababayang tumigil-pasada, bigyan natin sila ng pantay na pagkakataon sa insentibong dala ng mga programa ng gobyerno sa paraan ng pagpapalawak pa ng pakinabang mula dito para sa sektor ng transportasyon,” paliwanag pa ng senatoriable.