Pati pagtatakda ng BSK elections

December 04, 2019
Rodrigo Duterte & Bong Go

Sen. Go, ikinagalak paglagda ni  PDU30 sa  Malasakit  Center Law.

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang maging ganap nang batas o institusyon ang Malasakit Centers maging ang petsa ng pagdaraos ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan.

Ang ceremonial signing ay isinagawa sa Malacañang kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na siya ay nagagalak at nagpapasalamat sa pormal na pagsasabatas sa dalawang panukala na tinawag niyang pangunahing programa na magsasakatuparan ng makabuluhang reporma para sa kabutihan ng bansa.

Ang dalawang nasabing batas, mga kauna-unahang naipasa sa 18th Congress, ay kapwa mga pangunahing legislative agenda ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go noong panahon ng kanyang pangangampanya sa nakaraang halalan.

Inihain ni Go ang mga nasabing panukala noong Hulyo o sa pagkaupong-pagkaupo niya sa Senado.

Itinuturing bilang “landmark piece of legislation”, ang Republic Act No. 11463 o mas kilalang Malasakit Center Act of 2019 ay naglalayong mag-estabilisa ng mga Malasakit Centers sa 73 ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DoH) saan mang lupalop ng bansa at sa Philippine General Hospital sa Maynila.  

“The Malasakit Center is one of the solutions the Duterte government has developed to provide quick and quality access to healthcare to all Filipinos, regardless of their age, sex, ethnic background, religion and political affiliation,”  sabi ni Go.  

Ang Malasakit Centers ay magsisilbing one-stop shop para sa pagbibigay ng medical at financial assistance sa mga indigent o mahihirap na pasyente mula sa mga pinagsama-samang government agencies na tulad ng DoH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“With the Malasakit Center Act in place to complement the Universal Health Care Law, we are a step closer towards making quality health care more accessible and affordable for all Filipinos,...
especially the indigent and poor patients in need of medical assistance from the government,” ani Go.

Dumalo muna sa pagbubukas ng ika-52 Malasakit Center sa Ospital ng Malabon sa Malabon City, labis ding nagpasalamat at nagalak si Sen. Go sa paglagda ng Pangulo sa inihain niyang batas.

“Pera niyo po ito. Ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino,” ayon sa mambabatas.

Mismong si Pangulong Duterte ay makailang beses na pinuri si Go sa naging ideya nito na magbukas ng mga Malasakit Centers, kahit noong Special Assistant pa lamang niya ang senador.

Si Go ang nag-sponsor ng Malasakit Center Bill sa Senado habang kabilang din siya sa mga mambabatas na naghain ng panukalang ipagpaliban muna ang BSK elections.

Sa nilagdaang Republic Act No. 11462 ng Pangulo kamakalawa ng gabi rin sa Malacañang, ang susunod na barangay at SK elections na dapat ay idaraos sa ikalawang Lunes ng May 2020 ay gagawin na sa December 5, 2022, sunod ay sa unang Lunes ng December 2025 at sa tuwing pagkaraan ng tatlong taon.

Nangangahulugan ito ng pagpapalawig ng termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials.

“Mga barangays natin ang pinaka-frontline ng ating gobyerno sa paghahatid ng serbisyo at sa kampanya natin laban sa iligal na droga at kriminalidad. Kaya dapat lang na mabigyan natin sila ng oportunidad at sapat na oras upang makapagpatupad ng kani-kanilang mga programa at proyekto,” ang paliwanag ni Go.
Matatandaang hiniling ng Pangulo sa Kongreso na bigyang prayoridad ang dalawang nasabing bill sa kanyang ika-4 na State of the Nation Address noong July 22, 2019.