Home>News>Nation>Pekeng empleyado ng LTFRB arestado!

Pekeng empleyado ng LTFRB arestado!

ARESTADO ang 50-anyos na lalaki na nagpanggap na empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at nagkunyaring kaya niyang magbigay ng prangkisa sa siyam na motorsiklo ng negosyante kapalit ng P360,000 sa isinagawang ‘entrapment operation’ ng mga otoridad sa Quezon City, Martes ng hapon.

Sa report ng Masambong Police Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek ay nakilalang si Ferdinand Bautista Dimapilis,residente ng Bgy. Los Banos, Laguna.

Ayon kay PCpl Ryan Deo Cadlawon, imbestigador ng Masambong Police Station 2, bandang 1:06 p.m. ng Nov. 3 nang isagawa ang entrapment operation laban sa suspek sa isang Mcdonald outlet sa Quezon Avenue, Brgy. West Triangle.

Batay sa reklamo ng biktimang si Mark Roland Selisana, 39, negosyante at naninirahan sa 8 Lanzones St. Payatas B., QC, noong September 16, 2020 ay nakipagkita siya sa suspek sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue, sa lungsod.

Ani ng biktima, sa kanilang meetings, sinabi umano ng suspek kay Selisana na mabibigyan niya ng ‘tourist franchise’ ang siyam nitong units ng motor vehicles sa halagang P40,000 bawat isa, at ang suma total ng lahat ng kaniyang babayaran ay P360,000 bago ang October 25, 2020.

Nakumbinsi ng suspek ang biktima na nagbigay ng initial payment na P180,000.

Noong October 22 ay nagtungo ang biktima sa tanggapan ng LTFRB at bineripika kung may katotohanan ang kaniyang transaksyon sa suspek subalit lumitaw na walang rekord ang ipinangako sa kanya.

Lingid sa kaalaman ni Dimapilis ay alam na ng biktima ang kanyang panloloko kaya nang muling mag-text ito sa kanya at hinihingi ang balanse ay nakipag-ugnayan na siya sa mga otoridad na agad namang nagkasa ng entrapment operation at naaresto ang suspek.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Masambong Police Station habang inihahanda na ang kasong estafa laban sa kaniya.

Publication Source :    People's Tonight