Home>News>Nation>PH high score sa law, order ikinagalak ni Go

PH high score sa law, order ikinagalak ni Go

Bong Go

IKINAGALAK ni Senator Christopher “Bong” Go ang positibong resulta ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian matapos maitala ang Pilipinas sa Top 50 na bansang may kaayusan at kapayapaan.

Sa inilabas na 2020 Global Law and Order report ng Washington-based analytics and advisory firm Gallup, ang Pilipinas ay kabilang sa 50 bansang may magandang rekord ng peace and order sa iskor na 84/100.

May katulad na iskor ng Pilipinas ang Australia, New Zealand, Poland, at Serbia.

Isa itong testamento sa ating patuloy na kampanya laban sa iligal na droga, kriminalidad at korupsyon sa bansa. Ito ang hinangad ng ating Pangulo, na maging maayos at matiwasay ang ating bayan para sa ikabubuti ng lahat,” ani Go.

Alam ko na sa patuloy nating kampanya, mas bubuti pa ang ating peace and order sa bansa. Ito ang tunay na pagbabagong ramdam ng taumbayan na handog ng administrasyong ito,” idinagdag niya.

Ang ulat ng Gallup ay base sa personal na pakiramdam ng mga tao sa kanilang seguridad at karanasan sa crime and law enforcement sa bansa.

Ayon sa news reports, ang mga sinarbey ay nagbigay ng positibong tugon sa law enforcement agencies sa Pilipinas. Nagbigay rin sila ng positibong feedback na ang ating law enforcement authorities ay ginagawa nang tama ang kanilang tungkulin.

Para kay Go, lalo itong nagpapalakas ng kumpiyansa ng Duterte administration na kulang na lamang ng dalawang taon pero patuloy na tinutupad ang pangakong bigyan ng komportableng buhay ang mga Filipino.

Sa kabila nito, ipinaalala ng senador sa pamahalaan na huwag maging kampante sa mataas na nakuhang ratings. Iginiit niya na lalo pang pag-ibayuhin ang kampanya kontra korapsyon, iligal na droga at kriminalidad.

Ramdam ng taumbayan na mas ligtas po ang komunidad nila ngayon dahil nasusunod ang mga batas at napoprotektahan ang kapakanan ng pinaka-mahihirap. Kaya dapat lang na ipagpatuloy at paigtingin pa natin ang kampanyang ito,” anang senador.

Tiniyak ni Go sa police force na sila ni Pangulong Duterte ay patuloy silang poprotektahan kung gagawin nang maayos ang kanilang tungkulin at naaayon sa batas.

Gawin ninyo ang trabaho ninyo nang tama. Protektahan natin ang ating mga kababayan. Labanan natin ang iligal na droga at kriminalidad. Huwag kayong matakot, basta nasa tama at wastong pamamaraan ang inyong operasyon, nandito kami para ipagtanggol at suportahan kayo,” ayon sa senador.