Home>News>Nation>Pinal SEA Games report isinumite sa PHISGOC

Pinal SEA Games report isinumite sa PHISGOC

ISINUMITE na ng South East Asian Games Organizing Committee ang pinal na ulat ng matagumpay na South East Asian Games (SEA) na nakapaloob sa isang libro kay PHISGOC Chairman at Taguig City-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino at Philippine Sports Commission (PSC) Chair William “Butch” Ramirez sa isang simpleng seremonya sa Taguig City.

Matapos ang 14 na taon, muling nag-host ang Pilipinas ng SEA Games at pinatunayan ng bansa na kaya nitong magsagawa ng pinakamalaki at pinakamahusay na pagdaraos ng SEA Games sa kasaysayan kung saan nagkaroon ng 56 sports, 531 events na dinaos sa 53 competition venues, and 8 non-competition venues.

Magugunitang hindi naging biro ang pinagdaanan ng PHISGOC katulong ang PSC at POC upang matiyak na magiging matagumpay ang 30th SEA Games.

“Natutuwa naman kami dahil kahit mga delegado galing sa ibang bansa ay nagpasalamat at nagbigay ng papuri sa Pilipinas mula sa opening ceremonies hanggang sa pagkatapos ng event,” ani PHISGOC Chief Operating Officer (COO) Ramon Suzara.

Nabawi ng Pilipinas ang overall championship ng SEA Games kung saan nagtamo ang bansa ng 149 gold medals, 117 silver, and 121 bronze na may kabuuang 387 medalya.

Ayon kay Suzara, ang libro ay nagsisilbing “badge of honor” o medalya na hindi maaring masira or madungisan kahit lumipas man ang panahon.

“Ang 300 pahinang libro ay naglalaman ng kwento ng tagumpay, maliit or malaki man, na nakamit ng bansa sa makulay at makahulugang SEA games journey,” ani Suzara.

Ang sinasabing report ay isusumite ng PHISGOC sa South East Asian Games Federation.

“Ang makasaysayang dokumento na ito ay sumasalamin sa sipag at pagsisikap na ibinuhos ng bawat miyembro ng pamilya ng PHISGOC sa kanilang paghahanda para sa malaking sports event,” paglalahad ni Suzara.

“Bawat atleta, game official, sponsor, media pati na ang mga manunuod ay nagbigay ng kani-kanilang ambag sa tagumpay ng SEA Games,” dagdag ni Suzara.

Publication Source :    People's Journal