‘Pinupulitika’

November 25, 2018

NANAWAGAN si Makati City Councilor Maria Concepcion “Ichi” Yabut sa mga kasapi ng bagong mayorya sa Sangguniang Panlungsod na huwag gawing “hostage” ang inihaing panukala para sa karagdagang benepisyo ng senior citizens dahil sa pulitika.

Ayon sa konsehal, ang naturang panukala para sa P10,000 karagdagang cash gift na ibibigay taun-taon sa senior citizens na may edad 90 hanggang 99, na inendorso ni Mayor Abby Binay, ay hindi tinalakay sa committee level pagkatapos ng session nitong Miyerkules, gaya ng nakagawian.

Aniya, kaagad na nagpadala ang kanyang tanggapan ng request para mai-calendar ang proposed ordinance sa Committee on Social Services na pinamumunuan ni Councilor Marie Alethea Casal-Uy, at sa Committee on Laws, Rules and Ethics na pinamumunuan ni Councilor Nemesio Yabut, Jr., matapos itong mai-refer sa kanila. Subali’t hindi pa ito naaksyunan.

Nais din aniyang malaman bakit aabot pa sa isang buwan ang ginagawang pagtalakay sa 2019 budget proposal ng lungsod, samantalang kaya naman daw itong matapos sa loob lamang ng tatlong araw.

Aniya, dumalo naman ang mga miyembro ng bagong mayorya sa isinagawang mga pre-budget hearing mula Hulyo 4 hanggang 30 kasama ang lahat ng mga tanggapan at ahensya ng pamahalaang lungsod, kung kaya’t wala siyang nakikitang makatuwirang dahilan upang patagalin pa nila ang pagtatapos ng budget review.

Pinaalalahanan niya silang mga mamamayan ang maaapektuhan ng anumang pagkaantala sa pagpasa ng mga inihaing panukala sa kanila.

Kinuwestiyon din ng konsehal kung bakit ipinagpipilitan nilang idaos ang mga special session sa mas maliit na conference room kahit na bakante naman ang main Session Hall sa city hall.

Bilang mga halal na lingkod-bayan, tungkulin nilang maging bukas sa pagsusuri ng taumbayan, lalo na ng mamamayan ng Makati, diin ni Yabut.

Samantala, nagpahayag din ng kanyang saloobin si Councilor Armand Padilla, president ng Liga ng mga Barangay, tungkol sa mga ginagawa ng mayorya na hindi naaayon sa opisyal na proseso sa Konseho. Ayon sa kanya, ilang beses nilang inutusan ang kalihim ng Sangguniang Panlungsod na dumalo sa mga budget deliberation sa committee level upang siya mismo ang magtala at gumawa ng minutes of the meeting.

Aniya, karamihan sa kanila ay matagal nang konsehal, kaya’t dapat sana ay alam nilang hindi iyon kasama sa mga tungkulin ng kalihim.