Home>News>Nation>Pison ninakaw habang nakaparada

Pison ninakaw habang nakaparada

ISANG pison na nagkakahalaga ng P.7 million ang hinihinalang ninakaw habang nakaparada sa ginagawang national road Linggo ng umaga sa Jaen, Nueva Ecija.

Ayon kay Provincial police director Col. Marvin Joe C. Saro ang nasabing nakawan ay naganap bandang 1 a.m. sa Bgy. San Vicente, Jaen, Nueva Ecija.

Sinabi ni Saro na naalerto ang lokal na pulisya ng isang tawag mula kay municipal councilor Atty. Silvestre C. Austria, anak ni Mayor Sylvia Austria bandang 2:30 p.m.

Napag-alaman ng mga otoridad na isang Sakai TW350 single drum roller na nagkakahalaga ng P700,000 at pag-aari ng EA Padilla Construction Corporation ay nawawala at pinaniniwalaang ninakaw ng di pa kilalang mga suspek sa Jaen-Zaragosa road na under construction.

Sinabi ng mga residente sa pulisya na napuna nilang sinasakay ang pison ng isang boom crane truck sa isa pang truck bandang 1 a.m.

Hindi ito pinuna ng mga nakakita sa pag-aakalang inililipat lang ng contractor ang pison sa ibang lugar.

Kasalukuyang iniimbistigahan pa rin ang insidente.

Publication Source :    People's Tonight
Steve A. Gosuico
Past President, Nueva Ecija Press Club, Inc.