Home>News>Nation>Pondo pinalilipat sa rehab ng LGUs

Pondo pinalilipat sa rehab ng LGUs

NAIS ni Sen. Panfilo Lacson na ilipat ang P20 bilyon mula sa P68 bilyong pondo sa ilalim ng 2021 national budget na inilaan umano sa kuwestiyunableng mga proyekto ng mga mambabatas upang pondohan ang rehabilitasyon ng local government units (LGUs) na hinagupit ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Lacson, kanyang natukoy ang P68 bilyong alokasyon ng mga proyekto sa ilalim ng tinatalakay na pambansang badyet ng Senado na inaprubahan ng mga kongresista.

Sinabi ni Lacson na makatwirang ilaan ang P20 bilyon para pondohan ang mga rehabilitasyong gagawin ng LGUs.

Nanindigan si Lacson na tama lamang na gawin ang realignment dahil ginawa ang National Expenditure Program (NEP) bago pa man ang pananalasa ng mga bagyong Rolly, Quinta at Ulysses.

Local multi-purpose buildings (MPBs), which have a proposed appropriation of P68B for 2021, are merely duplications of programs.

If we augment the appropriations for local government units especially those hit by the typhoons, then they could very well rehabilitate and recover,” giit ni Lacson.

Samantala, iminungkahi ni Lacson na mailipat sa national broadband program ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pondo ng ilang proyekto.

Sa paghimay ng Senado sa panukalang P4.5 trilyong pambansang badyet, naunang ibinunyag ni Lacson na kitang-kita umano ang malaking diperensya sa laki ng badyet sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.

Inihalimbawa ni Lacson ang isang distrito sa Davao na mayroon umanong badyet sa infrastructure na aabot sa P15.351 bilyon habang P7.5 bilyon sa Albay, P7.9 bilyon sa Benguet at P3.7 bilyon sa Abra.

Magugunitang sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco naipasa ng Kamara de Representantes ang 2021 pambansang badyet sa ikatlo at huling pagbasa.

Hindi pa sumasagot si Velasco sa nasabing akusasyon ni Lacson kaugnay sa hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds.

Magugunitang ginamit ang nasabing isyu ng hindi parehas na distribusyon ng infrastructure funds laban sa noon ay Speaker Alan Peter Cayetano ng Taguig City-Pateros ng mga kaalyado ni Velasco sa pangunguna ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.