Home>News>Nation>PRRD, Go: Magkaisa, makiisa  sa harap ng mga pagsubok

PRRD, Go: Magkaisa, makiisa  sa harap ng mga pagsubok

Rodrigo Duterte & Bong Go

LUBOS na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa mga nagboluntaryong local artists na nagpakita ng kanilang talento sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang online concert nitong Linggo.

Ang grupo na tinawag na “Volunteer Artists for Duterte”, sa pangunguna ni veteran singer at Philippine Amusement and Gaming Corporation official Jimmy Bondoc, ay nag-organisa ng isang event para ipakita ang kanilang pasasalamat sa walang kapagurang pamumuno ni President Duterte sa harap ng hindi pangkaraniwang panahon.

Saglit na nagpakita sina Pangulong Duterte at Sen. Go sa konsiyerto para pasalamatan din ang organizers sa kanilang suporta sa gobyerno.

Inimbitahan sila ni President Duterte na bumisita sa kanyang tahanan pagkatapos ng pandemya.

Nagpahayag ng pag-asa ang Panulo na ang bakuna laban sa coronavirus ay magiging available na bago matapos ang taon.

Inanunsyo rin dito ng Pangulo ang pagbisita niya sa Jolo, Sulu para bigyan ng pagkilala at papuri ang mga namatay na security forces sa twin bombings noong Agosto 24.

“Diretso ako ngayon sa Jolo, doon sa blast site. Mabigyan ko lang ang mga sundalo natin, mga sundalo ko, mga pulis ko ng importansya sa kanilang kamatayan. I’ll go there to fulfill the duty of a commander-in-chief,” anang Pangulo sa kanyang video message.

Kaugnay nito, nanawagan si Go sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na tiyaking maparurusahan at makukulong ang mga responsable sa pag-atake.

“Bigyan natin ng hustisya ang mga inosenteng buhay na nawala dahil sa walang saysay na terorismo,” ani Go.

Sinabi ni Go na ang Anti-Terrorism Law ay dapat na maiimplemeta nang maayos at naayon sa batas upang matigil na ang terorismo at ang ugat nito.

“Gamitin dapat ang ngipin ng ATL para labanan ang terorismo especially sa Jolo. Tuloy tuloy po ang digmaan doon laban sa mga terorista. Kailangan nating ipakita sa kanila na andyan po ang gobyerno para sa kanila,” sabi ni Go.

Sa kanya ring mensahe sa online concert, iginiit ni Go na kailangan ang pagkakaisa ng lahat para malagpasan ng bansa ang krisis kasabay ng pasasalamat sa mga dumalo sa kanilang pakikiisa.

“Salamat po sa lahat ng mga naniniwala kay Presidente. Ang totoong timon natin sa panahong ito, walang iba kundi ang ating Pangulo at gusto niya lang po magpasalamat sa inyo sa lahat.”

Nangako si Go na patuloy lang sila ni Pangulong Duterte sa pagsisilbi sa bayan sa abot ng kanilang abilidad at makakaya para mapabuti ang buhay ng bawat Filipino.

“Kami po ni Pangulong Duterte, palagi naming iniisip kung paano pa mas makapagserbisyo sa tao. Wala kaming ibang hangarin kundi ang kabutihan ng kapwa naming Pilipino. Huwag ninyo po akong ituring na iba sa inyo. Nandito ako para tulungan at pagsilbihan kayo sa abot ng aking makakaya,” aniya.