Home>News>Nation>Pulis nahaharap sa kasong carnap

Pulis nahaharap sa kasong carnap

NAHAHARAP sa kasong carnapping ang isang pulis matapos na maaresto sa pagmamaneho ng nakaw na sasakyan sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si PSMS Danilo Ragonot Pacurib, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Payatas Police Station 13 at residente ng No. 20-6B Antipolo St., Brgy. Krus na Ligas, QC.

Sa inisyal na report ng Anti-Carnapping Unit ng QCPD, dakong 8 a.m. ng October 16 nang maaresto si Pacurib sa kanto ng Commonwealth Avenue at Camaro St., sa harap ng East West Bank Fairview sa lungsod.

Nagsasagawa umano ng anti-carnapping operation ang mga pulis nang mamataan at parahin ang suspek na sakay ng phantom black na Hyundai Sta Feic (ABL-1994) dahil sa paglabag sa improvised plate.

Subalit nang beripikahin ng mga awtoridad ay natuklasan na ang minamanehong sasakyan ng suspek ay kabilang sa mga nakaalarmang sasakyan sa PNP-Highway Patrol Group, at pinalitan lamang umano ng suspek ang plaka nito.

Ang nasabing sasakyan ay nakarehistro na pag-aari ng Universal LMS Finance Corp. at inupahan lamang mula sa Areza Motor Sales.

Ang nasabing pulis ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 4136 (Unauthorized use of Improvised Plate at PD 1612 (Anti-Fencing Law).

Publication Source :    People's Tonight