Rep. Lagman inupakan sa privilege speech ni Sen. Go

August 28, 2019
Bong Go

‘Walang malasakit, manhid, maramot’.

NANINIWALA si Sen. Bong Go na kawalang malasakit sa taongbayan, pagiging manhid at pagiging maramot ang nangingibabaw kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman kaya nito sinisilip at nais paimbestigahan ang Malasakit Center program ng gobyerno.

“Kung gusto mo, palitan mo na lang ang mga ito ng sarili mong programa. Pangalanan mong ‘Manhid Center’, ‘Maramot Center’—bagay na bagay sa kawalan mo ng malasakit sa ating mga kababayan,” ang pahayag ni Go sa kanyang privilege speech sa Senado bilang resbak kay Rep. Lagman.

“Uulitin ko para sa ating mga kababayang nakikinig—pera po ninyo ito. Hindi ito pera ng sinumang opisyales. Pera ito ng gobyerno na dapat lang ibalik sa inyo sa pamamagitan ng maayos na serbisyong medikal,” ayon sa senador

Iginiit ni Sen. Go na si Lagman at hindi ang Malasakit Centers ang gumagamit sa pagbibigay ng medical assistance para sa pampulitikal na interes.

Aniya, si Lagman ay kagaya rin ng iba pang pulitiko na nagbibigay  o humihingi ng endorsement letter sa barangay bago tumulong sa mga pasyente.

“May iba ding mga politiko diyan, tulad niya, na nagbibigay ng endorsement o humihingi ng endorsement galing sa barangay leaders bago tumulong,” ani Go sa kanyang kauna-unahang privilege speech.

May inilabas siyang kopya ng endorsement letter mula sa opisina ni Lagman na ibinibigay sa mga pasyente para ipakita sa mga ospital.

“Balita ko pinapupunta mo pa sa bahay mo ang mga tao para mag-avail ng benefits o assistance,” ani Go.

“Now, that is partisan politics,” ang mariing pahayag ni Go sabay sabi pang “Never ako nag-require ng ganyan. Never ko pinagpilian ang taong tutulungan ko.”

Kamakailan, pinuna ni Lagman sa House appropriations committee budget deliberations na ang Malasakit Centers na ipinagmamalaki ni Go ay isa lamang aniyang “partisan tool rather than a medical outlet.”

Tinanong ni Lagman ang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung ano ang legal na basehan nito para magbigay ng pondo sa Malasakit Centers. Hiniling din niya sa PCSO na i-validate kung epektibo nga ba ang Malasakit Centers at imbestigahan ito sa umano’y pagiging partisan.

Ang Malasakit Center ay one-stop shop para sa mga nangangailangan ng medical at financial assistance. May 41 Malasakit Centers nang naitatayo sa iba’t bang pampublikong ospital sa bansa sa kasalukuyan.

Nilinaw ni Sen. Go na taliwas sa nais palitawin ni Lagman, hindi pinopondohan ng PCSO ang operasyon ng Malasakit Centers at hindi lang ang ahensiyang ito ang nakapagbibigay ng medical assistance sa mga pasyente bilang bahagi ng “one-stop shop” program ng pamahalaan.

“In Malasakit Centers, the concerned government agencies retain and run their own medical assistance programs. The center only simplifies the process and eases the burden on the patients. Ang nag-aaccess ay ang qualified social worker. Walang kinalaman ang Malasakit Center sa desisyon ng agencies na tumutulong,” ang paliwanag ng senador.

Idinagdag ng mambabatas na may maayos na sistema ng pila at express lanes para sa senior citizens o people with disabilities (PWDs) ang Malasakit Centers upang hindi na mapahirapan ang mga pasyente sa pagkuha ng medical assistance mula sa gobyerno.

Bagama’t aniya may ilang problema sa operasyon, kaysa mga nagrereklamo ay mas maraming natutulungan ang Malasakit Center, ayon sa senador.

“This is, in fact, the very reason why we would like to institutionalize the Malasakit Center program through a proposed measure we filed just last month,” aniya.

Kaya nanawagan si Sen. Go sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang inihain niyang batas para maging ganap nang institusyon ang Malasakit Center.

“Kaysa dumada lamang po tayo at sayangin ang buwis na ibinabayad sa atin ng mga Filipino, magtulungan na lamang sana tayo para maipasa ang Malasakit Center Act, gawing mas maayos ang proseso at mas marami pang Pilipino ang makinabang dito.”

Kinadyot din niya si Lagman sa pagiging anti-poor dahil sa pag-atake sa Malasakit Centers. “Congressman Lagman, do not be anti-poor. Ang pera ng tao, nararapat lamang na ibalik sa tao. Mahiya kayo sa mga constituents ninyo. Mahiya kayo sa milyun-milyong Pilipinong natulungan na ng programang ito.”

Idiniin pa ni Go na ang Malasakit Center program ay isang solusyon na naisip ng Duterte administration para makapagbigay ng mas mabilis at dekalidad na healthcare sa lahat ng Filipino.