Rescue-in-tandem para sa hospital isinulong ni Revilla

October 21, 2019

NAGSUMITE ng panukalang batas si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na magkaroon ng motorsiklong tagaresponde ang bawat ospital maging ito man ay pribado o pampubliko upang mas mabilis na matugunan ang tawag na emergency saan mang lugar.

Isinumite ni Revilla ang (S. No. 1120), “An Act Mandating All Public and Private Medical Institutions and Hospitals to Provide for Motorcycle Medical Emergency First-Responders,” bilang tugon sa matinding pangangailangan ng isang maysakit o biktima ng vehicular accident.

Dahil sa kasalukuyang sitwasyong dinaranas ng ating bansa sa sobrang pagsisikip ng trapiko ay marami ang hindi na umaabot sa pagamutan dahil hindi agad na narespondehan para bigyan ng karampatang lunas.

Kabilang na sa panukalang batas na ito ang bulubunduking bahagi ng mga lalawigan at karatig-bayan na nagkakaroon ng malalang sitwasyon tulad ng atake sa puso at ibang kahalintulad nito na dapat ay mabigyan ng paunang lunas hanggang sa makaabot sa ospital.

Naniniwala si Revilla na sa pamamagitan ng motorcycle first responder ay maiibsan ang pagkasawi ng sino mang nasa delikadong stiwasyon dahil agad na mabibigyan ng paunang lunas.

“Mahalaga ang bawat segundo ng nag-aagaw-buhay at lubhang napakahalaga ang pagresponde ng isang mahusay na rescue-in-tandem lulan ng motorsiklo,” paliwanag ni Revilla.