Salceda: Bicol int’l airport tatapusin ng DU30 admin ngayong 2020

July 11, 2020

DARAGA, Albay – Tiniyak diumano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatapusin nito ngayong 2020 ang P4.8-bilyong Bicol International Airport (BIA) dito, isa sa malalaking proyekto ng pamahalaan na mahalagang papel ang gagampanan sa pagbangon ng bansa mula sa matinding epekto ng pandemyang COVID-19.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, ang paniniyak ay ginawa ng matataas na opisyal ng Department of Transportation (DOTr), nang inspekyunin nila ang proyekto kamakailan.

Dati itong nakatakdang matapos ngayon Hulyo 2020. Nasa loob ng kanyang distrito, sinabi ni Salceda na ang BIA ay bahagi ng malalaking proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build” Program ng gobyerno na inaasahang magiging mga mahalagang haligi ng ekomomiya ng bansa. Isa ang ‘aviation industry’ sa mga pinalugmok ng pandemya at inaasahang malaki ang maitutulong  ng BIA upang ito’y makabangon.

Si Salceda ang bumalangkas at masugid na nagtulak sa BIA na ayon sa DOTr ay ‘66.61 percent complete’ na. Sinimulan noong 2005, naging masyadong mabagal ang trabaho sa BIA bagama’t bumilis ito ng kaunti noong 2009 ngunit patigil-tigil pa rin hanggang sa maupo si Pangulong Duterte.

Sa taya ng DOTr, nitong nakaraang Hunyo 24, nasa 81% tapos na ang Package 2A ng paliparan kung saan kasama ang Administration Building, Air Traffic Control Building, Crash Fire Rescue Building, and Maintenance Building (Landside Facilities).

Nasa ‘34% complete’ naman ang Package 2B nito kung saan kasama ang ‘Passenger Terminal Building and Runway.’ 

Tiniyak din diumano ng DOTr naikasa na nila ang ‘24/7 work’ na pasisimulan agad para mapabilis at matapos ang BIA sa lalong medaling panahon. Mga dalawang milyong pasahero ang inaasahang gagamit sa BIA taon-taon at inaasahang lalong pabibilisin nito ang pag-unlad hindi lamang ng Albay kundi ng buong Bikol at Timog Katagalugan.

Walang sawang isinulong ni Salceda ang BIA mula pa noong unang Kongresista siya, at sa loob ng siyam na taon niyang pagiging gubernador ng Albay at chairman ng Bicol Regional Development Council, at ngayong balik Kongreso na naman siya.

Itinuturing na “most scenic gateway” ng bansa ang BIA. Nasa pusod ito ng buong Kabikulan at kalapit lamang ng mapang-halinang kagandahan ng Bulkang Mayon at makasaysayan at kilalang Cagsawa Ruins.

“Makatwirang umasa na matutupad ng ‘executive decisiveness’ ng administrasyong Duterte ang pagbubukas ng BIA ngayong taon,” madiing pagayag ni Salceda.

Sa mga naunang pakikipag-pulong niya kay DOTr Secretary Arthur Tugade, tiniyak naman ng huli mabubuksan ang BIA sa loob ng termino ni Pangulong Duterte