Home>News>Nation>Salceda: Dapat ideklara ang ‘Climate and Disaster Emergency’

Salceda: Dapat ideklara ang ‘Climate and Disaster Emergency’

DAPAT diumanong pakinggan at sundin ng pamahalaan ang lalong lumalakas na panawagang ideklara nito ang “national climate and disaster emergency” pagkatapos ng dalawang malalakas na bagyo at pagbaha na nagpadapa at nagpalubog sa maraming mga pamayanan sa Luzon hanggang ngayon, at nag-iwan ng malawakang kasiraan at kahirapan sa mga Pilipino.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House ways and means committee, sadyang kailangan ang naturang deklarasyon para sa “’climate justicesa pinakamahihirap na mga Pilipino na bumabalikat sa mga kahirapang dulot ng mga kalamidad” at ibayong sumusubok sa kakayanan ng pamahalaan sa pagtugon sa mga ito.

Lalo pang pinahihirap ng nagdaang mga kalamidad kamakailan ang masikip na sitwasyon sa ilalim ng COVID-19 pandemyang umiiral na pumaralisa sa ekonomiya sa halos isang taon na ngayon at lumusaw sa trabaho at kabuhayan ng maraming pamilya, dagdag niya.

Sinabi ni Salceda na nauna nang nagbabala ang mga ‘scientists and environmentalists,’ at mga lider sa mundo sa banta ng mga kaganapang kaugnay sa pagbabago ng panahon, at ang mga kalamidad na naganap kamakailan ay hindi ang pinakahuli.

Halos isang daang buhay ang kinitil ng mga bagyong Rolly at Ulysses sa pagitan ng isang lingo lamang, at nag-iwan sila ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kasiraan sa imprastraktura, ari-arian at agrikultura. Hanggang ngayon maraming pamayanan sa Cagayan ang lubog pa sa bahang dulot nila.

Nauna nang ipinanukala ni Salceda sa Kongreso na ideklara ang 2020 bilang “Disaster and Climate Emergency Awareness Year” sa pamamagitan ng House Resolution 535 na inihain niya sa Kamara noong Nobyembre 2019. Ang mambabatas ng Albay ay kinikilala at idineklara ng United Nations bilang “Senior Global Champion for Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation” nito.

Layunin ng naturang resolusyon na inaprubahan at inindorso ng ‘Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction,’ na isulong ang “patuloy na pagiingat ng publiko sa mga bantang panganib ng lalong bumabagsik na mga bagyo at kaganapang dulot ng nagbabagong panahon, sa oras at matapos manalasa ang mga ito.

Layunin din ng panukalang deklarasyon na bigyang diin ang mahalagang papel ng mga pamahalaang local sa pamumuno sa mga inisyatibong kaugnay sa ‘climate change’ at tibay sa paglaban dito, kasama ang pribadong sektor na gagamit ng “’whole-of-government and whole-of-nation policy response’ para maging handa, mapagaan ang bagsik, at akmang matugununan ang mga bunga at dahilan nito.

Sa ilalim ng HR 535, inamuki din ni Salceda ang mga kapwa niya mambabatas na patuloy na pagaralan ang mga isyu kaugnay sa ‘climate change’ at mga kalamidad, at isulong ang pagpasa sa ‘Department of Disaster Resilience bill’ niya na ngayon at naghihintay ng aksiyon ng Senado.

Pinuna ni Salceda na sa 2016 Paris Agreement, kinikilala ng ‘Parties of the United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ang kahalagahan ng ‘climate change adaptation’ at akmang tugon sa pagbabago ng panahon para sa maayos na bukas.

Bugbog tuwina ang Pilipinas ng mga bagyo. Bukod sa mababagsik na bagyong Ulysses, Rolly at Quinta ngayong taon, matindi rin ang pananalasang iniwan ng mga bagyong Reming noong 2006, Ondoy at Pepeng noong 2009, at Supertyphoons Yolanda noong 2013 na pumatay ng mahigit 6,000 at nagpahirap sa 16 milyong Pinoy, Pablo at Sendong na nagpadapa sa Mindanao noong 2015; at Urduja, Vinta, Rosita, Ompong at Usman noong 2017 at 2018, at iba pa.