Home>News>Nation>Salceda: Ilatag na ang malinaw na “20-20-20” economic goals”

Salceda: Ilatag na ang malinaw na “20-20-20” economic goals”

Para makasabay PH sa ibang mga bansa

INAMUKI ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang pamahalaan na ilatag na bago matapos ang taon ang malinaw na mga hakbang kaugnay sa tinatawag niyang “20-20-20 do-or-die economic goals” ng Pilipinas para makasabay ito sa iba pang mga bansa sa parating na bagong dekada.

Ayon kay Salceda, ang “20-20-20” target ng bansa ay simpleng malalagom gaya ng mga sususunod: ‘20% corporate income tax,’ 20 milyong bago at mataas na antas ng trabaho sa susunod 10 taon, at US$20 bilyong ‘Foreign Direct Investments’ o dayuhang pamumuhunan sa bansa taun-taon.

Ito ang pinakamababang dapat matamo ng bansa dahil kritikal sila sa makabagong ‘globalized economy’ kung saan higit na matindi ang kumpetisyon. Kung hindi natin matatamo ang mga target na ito, kalimutan na matin ang ambisyong mapataas ang antas ng ating pambansang ekonomiya,” madiing paliwanag ni Salceda.

Ang pagsasabatas ng matagal nang naantalang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act’ na magbibigay ng $20-bilyong FDI ang pinakamadaling maisasagawa. Malaki rin ang maitutulong nito para mapababa sa 20% ang ‘corporate income tax’ (CIT) sa 2027. Hindi rin ito dapat mahiwalay sa mga ‘fiscal incentives’ para sa dayuhang mga mamumuhunan, na ang matagal na pagka-antala ay siyang dahilan ng kabiguan ng inaasahang $20-bilyong taunang FDI, dagdag niya.

Sinabi ng ekonomistang mambabatas na “lubhang kailangan natin ang mga ito, lalo na ang malakihang mga FDI kaya dapat magdesisyon at kumilos tayo. Madaling matupad ang target na $20-bilyong FDI o higit pa lalo na ngayong higit na tumitindi at umiinit ang awayan ng China at US sa negosyo.”

Pinuna ni Salceda na Pilipinas ang pinakamahigpit sa FDI, kaya “dapat isabatas na rin agad ang ‘Public Service Act, Foreign Investments Act, and Retail Trade Liberalization Act” na gaya ng CREATE ay nakabinbin lahat sa Senado.

Pinuna din niya na ang karamihan sa ating mga manggagawa ay nasa ‘service sector’ kaya dapat pataasin ang antas ng kanilang kaalaman at kahusayan upang maging handa sila sa husay na kakailanganin ng nalalapit na “digital age” sa mga 2030 at matupad ang pangarap nating “high income status” para sa Pilipinas pagsapit ng 2040.

Bukod sa mga nabanggit, sinabi rin ni Salceda na sisikapin niyang gawing prayuridad ng pamunuan ang pagsasabatas ng iba pang panukalang batas gaya ng “21st Century Skills Act,” “Financial Technology Industry Development Act,” “Digital Economy Taxation Act,” “Satellite Liberalization Act,” “Faster Internet Act,” at “Comprehensive Education Reform Agenda” na lahat ay binalangkas niya.

Maraming pagbabago ang pinasimulan ng krisis na ang ilan ay patuloy nang nagaganap. Sadyang dapat mapaghandaan natin ang mga pagbabagong ito. Pinaka-una at simple rito ang ‘20-20-20’ target natin na magiging daan din para maging “global power” ang Pilipinas,” pahuling pahayag ni Sakceda.