Home>News>Nation>Salceda: Kamara, handa sa ‘Senate version’ ng CREATE

Salceda: Kamara, handa sa ‘Senate version’ ng CREATE

Para mapigil ang patuloy na pagbulusok ng ekonomiya

NAKAHANDANG ipasa ng Kamara ang bersiyon ng Senado sa panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, ang pinakamahalagag bill na inaasahang pipigil sa patuloy na pagbulusok ng ekonomiya bunga ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, handang ipasa kaagad ng Kamara ang bersiyon nito ng Senado. Isa ang CREATE sa mga inindorso at sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Duterte sa kanyang huling ‘state of the nation address’ (SONA).

Ang CREATE ang dating Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act o Citira na nauna nang ipinasa ng Kamara noong nakaraang taon. Binago ito at iniakma sa mga maseselang pangangailangan ng bansa dulot ng COVID-19 pandemya.

Sa kanyang ‘social media post’ kamakailan, sinabi ni Salceda na ang napakahabang talakayan nito sa Senado ay “nagpapahaba din sa kahirapang dinaranas ng mga Pilipino at lalong nagpapahirap sa ekonomiya dahil nasasayang ang mga pagkakataong umakit ng mga mamumuhunan at lumikha ng maraming trabaho.”

Tiniyak niyang ang orihinal na balangkas ng panukala na siya rin ang pangunahing may-akda, ay bunga ng malawakang konsultasyon sa mga ‘stakeholders’ sa bansa, kasama ang mga eksperto sa mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor.

Layunin ng CREATE na ibaba agad ang ‘corporate income tax’ (CIT) sa 25% mula sa umiiral na 30% at patuloy itong bawasan pa ng isang porsiyento taon-taon mula 2023 hanggang maging 20% na lamang sa 2027. Bibigyan din nito ang ehikutibo ng kapangyarihang magkaloob ng “flexible bonus” na insentibo upang akitin ang mga “dambulahang mga mamumuhunan” na magnegosyo sa bansa.

“Sa ilalim ng CREATE, maaaring magbigay ang gubiyerno ng mga insentibong akma sa malalaking mamumuhunan. Nang tinatalakay ito sa Kamara, naging karaniwang himutok ng mga kinatawan ng iba’t-ibang industriya sa kabiguan ng bansa na akitin ang malalaking dayuhang korporasyon, gaya ng Samsung na mamuhunan sa Pilipinas,” puna niya.

Binigyang diin ni Salceda ang mga lubhang kailangang reporma sa estraktura ng ekonomiya para lalong patibayin ang tiwala ng malalaking mamumuhunan sa Pilipinas at ang CREATE ang “unang hakbang” tungo rito. “Sa pamamagitan ng CREATE, kaagad nating maipapahiwatig sa mga mamumuhunan ang tiwala natin misno sa ating hinaharap na kaagad naman nilang maamoy. Malaking bagay ang agarang pagbawas ng 5% sa CIT,” dagdag niya.

Tinantiya ng mambabatas na ekonomista na umabot na sa mga US$15 bilyong ang kinita na sana ng bansa sa nakaraang dalawang taon kung naipasa ang mga naunang panukalang reporma sa ekonomiya. “Bawat araw na naantala ang desisyon sa isyung ito, sinasaktan natin ang ekonomiya, pumapalya tayo sa paglikha ng mga bagong trabaho, at lalong pinatatagal ang paghihirap ng mga Pinoy na dulot ng pandemya,” madiin niyang pahayag.

“Ang kawalan ng katiyakan ay sagka sa pag-unlad ng bansa. Alisin natin ang kawalan ng katiyakan at magbabago kaagad ang pananaw ng merkado,” paliwanag niya. Tinatayang ang CREATE ay lilikha ng hindi bababa sa 1.1 milyong bagong trabaho sa loob ng limang taon, at magpapasimula sa hugis V na pagbawi ng ekonomiya simula sa susunod na taon.

Ipinaliwanag ni Salceda, na siya ring co-chairman ng ‘Defeat COVID-19 Committee Stimulus Package,’ na ang inaasahang 1.1 milyong bagong trababahong malilikha ng CREATE ay kalahati lamang ng mga 2.2 milyon hanggang 4.4 milyong mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

“Palagay ko magandang ‘strategic objective’ na ang mabawi natin ang kalahati ng mga nalusaw na trabaho ngayon 2020,” bukod sa pagpigil din sa patuloy na pagbaba ng GDP, dagdag niyang paliwanag.