Home>News>Nation>Salceda: Muling mapapataas ng CREATE R&D incentives ang PH sa Global Innovation Index

Salceda: Muling mapapataas ng CREATE R&D incentives ang PH sa Global Innovation Index

MULING mapapataas ng ‘research and development incentives’ ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na naghihintay na lamang ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang ranggo ng Manila at Pilipinas sa Global Innovation Index (GII) na sumadsad ngayong taon mula sa mataas nilang puwesto noong 2020.
Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, kaugnay sa “Tholons Global Innovation Index 2021 (TGII)” report kamakailan kung saan sumadsad sa ika-18 puwesto ang Pilipinas mula sa pang-5 ranggo nito sa kategoryang “Top 50 Digital Nations.” Naging pang-8 na lang din ang Manila mula sa pangalawa noong 2020 sa kategoryang “Top 100 Super Cities.” Ang Tholons ay tagapayo ng GII.

Hindi sapat na dahilan ito para maalarma ang bansa, ngunit kung ito’y hindi akmaang matutugunan agad, malamang humina ang ‘Business Process Outsourcing (BPO) sector’ na nagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino, bagama’t patuloy pa rin itong lumalago, puna ni Salceda.

Ayon sa mambabatas, malakas na mapapasulong ang ‘innovation’ ng CREATE, na siya ang may-akda, dahil sa ilalim nito, ang gastos sa ‘research and development ay dubleng kabawasan sa babayarang buwis ng mga kumpanya. “Kailangang malinaw at dapat hindi na pagdebatehan pa ang mga panuntunan ng BIR sa mga gastos sa R&D na maaaring bawasin sa babayarang buwis ng mga kumpanya. Magkakaroon din kami ng mga ‘hearings’ upang matukoy ang mga dapat isama sa ‘implementing rules’ ng CREATE,” giit niya.

Sa ilalim ng CREATE, ayon kay Salceda, pangunahin sa mga gastos na babawasin sa babayarang buwis ng mga kumpanya yung mga mapupunta sa “R&D na magbubunga ng lalong kahusayan sa kanilang operasyon, dagdag na produksiyon, mga bagong likha sa sensiya at pangkalusugang pakinabang, mga trabahoong matataas ang antas at sahod, mga bagong kaalaman at ‘intellectual property’ na rehistrado at lisensiyado sa bansa, mga ‘patents’ na madaling gawing kumersiyal, mga disenyong pang-industriya, ‘copyrights,’ at mga modelong produkto na pag-aari ng mga rehistradong kumpanya.

Sadyang nakatuon ang CREATE sa mga malikhaing negosyo at pamumuhunan, kaya inaasahan kong mapapasulong nito ang paglikha ng mga kapaki-pakinabang na mga bagay, pamamaraan at sistema, kapag ipinatutupad na, kasama na ang ‘innovations’ na tutugon sa mga hamon sa mga BPO at maglalapit sa antas ng kahusayan ng mga manggagawa at kanilang mga gawain,” madiing paliwanag ng mambabatas.

Sa mga BPO sa bansa, halimbawa, mahusay ngang magsalita ng English ang mga Pinoy at kasiya-siya silang makipag-usap, ngunit kulang sila sa husay sa paglutas sa mga kumplikadong problema. Kailangang mapataas din ang talino nila sa bagay na ito,” dagdag ni Salceda na co-chairman din ng House Edonomic Recovery Committee.

Kailangang baguhin din ang ‘for-compliance-only’ sa sistema ng edukasyon natin kung saan hindi nasasanay ang mga mag-aaral sa malalim na pag-iisip. Kasama rito ang sistema ng ilang paaralan na ipinakukupya ang aklat sa mga mag-aaral sa kanilang mga kuwaderno. Bukod dito, nariyan din ang ‘curriculum’ na hindi talaga isinusulong ang mga estudyante na mag-isip ng malikhaing mga pamamaraan sa paglutas sa mga suliranin kaya ang ‘innovation’ ay talagang namamatay,” pahuling dagdag niya.