Home>News>Nation>Salceda pinapugayan pagpasa ng Senado sa CREATE Act

Salceda pinapugayan pagpasa ng Senado sa CREATE Act

MASIGLANG pinapugayan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang pagpasa ng Senado sa botong 20-1 sa akda niyang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na inilarawan niyang sadyang kailangan at napakahalagang instrumento para makabangon ang bansa at ekonomiya nito sa pagkakadapa dulot ng pandemyang COVID-19.

Ayon kay Salceda, chairman ng House ways and means committee, tinanggap at pinagtibay agad ng kanyang kumite at ng Kamara ang CREATE bersiyon ng Senado upang maiwasan na ang mga argumento sa bicameral committee ng Kongreso.

Nasisiyahan akong narito na ito,” pahayag niya. Paulit-ulit nang inindorso ni Duterte ang CREATE na ginawa niya isa sa kanyang mga prayurida na batas. Dati itong pinamagatang TRAIN Package 2, TRABAHO at CITIRA.

Bagitong ko gresista pa lamang si Salceda, na isang ekonomista, noong 1998 nang akdain at ihain niya ang ‘Subsidy Council Act,’ ang lelong ng CREATE na nagpanukala ng mga reporma sa sistema ng buwis sa bansa. “Bagama’t marami na ang nabago sa paglipas ng panahon, ang prinsipyo ng pagbubuwis na may kaakibat na mga insentibo ay matagal ko nang adbokasiya,” sabi niya. Tatlong dekada nang nabinbin ang mga kailangang reporma sa buwis sa bansa.

Layunin ng CREATE na agarang tapyasan ang taunang ‘corporate income tax’ (CIT) at gawing 25% na lamang mula sa 30% na pinakamataas sa rehiyon ng ASEAN. Pagkatapos, babawasan pa ito ng isang porsiyento taun-taon hanggang maging 20% na lamang ito sa 2027 at manatiling ganito sa mga susunod na taon.

Sa ilalim ng CREATE, inaasahang lalago ang pasok ng mga dayuhang puhunan sa bansa na tinatayang aabot sa US$12 bilyon sa loob ng limang taon. Lilikha ito ng maraming trabaho at itutulak ang mabilis na pag-unlad ng Pilipinas. Ilang beses nang nanawagan sa Senado si Salceda noong nakaraang taon pa na ipasa agad ang CREATE dahil sa mga banta sa ekonomiya ng pandemyang COVID-19.

Nais ko rin na ang libreng buwis sa gamot ay ibigay sa pamamagitan ng ‘voucher system’ at hindi sa mga kumpanyang gumagawa ng gamot sa ilalim ng batas sa ‘Value Added Tax’ (VAT). Ganun pa man, kung ano man ang inilibre ng Senado, nais kong mabawi bilang ‘House tax chairman.’ Nagmumula sa kumite ko ang mga panukalang panuntunan sa buwis, kaya kung masama ang epekto nito, kailangan kong pagaanin ang bigat nito o hahanap ako ng ibang pagkukunan ng pera,” paliwanag niya.

Tinatayang lilikha ang CREATE ng mga 2.2 milyon trabaho o higit pa na katumbas ng bilang ng mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Inaasahan ding makadadagdag ang CREATE ng 1.2% sa taunang ‘gross domestic product’ (GDP) ng bansa na maaaring tumaas pa sa 8% sa mga susunod na taon, pahabol ni Salceda.