Home>News>Nation>Salceda: Science for Change Act, ibabalik ang PH bilang sentro ng R&D sa ASEAN

Salceda: Science for Change Act, ibabalik ang PH bilang sentro ng R&D sa ASEAN

TIYAK na maibabalik ang Pilipinas ng ‘Science for Change Act’ na pinagtibay kamakailan ng ‘Science Committee’ ng Kamara, bilang ‘research and development (R&D) hub in science and technology’ o sentro ng pananaliksik sa agham at teknolohiya sa rehiyon ng ASEAN, habang bumibilis and pagsulong ng teknolohiya sa mundo.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang pangunahing may-akda ng panukalang ‘bill,’ nais niyang “manguna ang Pilipinas bilang sentro ng R&D gaya ng dati, kung kailan itinuturing ito ng mga ahensiya sa pananaliksik gaya ng ‘IRRI (International Rice Research Institute), Texas Instruments’ at iba pa, na dapat nilang kalagyan sa rehiyon ng ASEAN.

Kaya nating ibalik iyon uli,” giit ni Salceda na chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ at pangunahin may-akda ng mahahalagang reporma sa economiya gaya ng ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act’ na nilagdaan na ni Pangulong Duterte kamakailan.

Ang isang problema ay matagal nating hindi binigyan ng sapat na atensiyon at suportang pundo ang ‘Science and Technology (S&T) o agham at teknolohiya. Sa loob ng ASEAN, Indonesia lamang ang naglalaan ng higit na maliit na bahagi ng kanilang GDP sa R&D,” puna ni Salceda.

Ang Pilipinas ay naglalaan lamang ng 0.16% ng GDP nito sa R&D. Halos tatlong beses o 0.44% naman ang inilalalaan ng Vietnam dito, samantalang ang Singapore na nangunguna sa kanila ay 2% ang itiunatalaga dito. Ipinaliwanag niya na may kaugnayan ang pagsulong ng isang bansa sa ginagasta nito sa R&D, dahil “ang talino at kaalaman ay sadyang malaki ang bahagi sa pundasyon at pagsulong ng yaman ng mga bansa.

Sa ilalim ng bill ni Salceda, lilikhain ang’Harmonized National Research and Development Agenda (HNRDA),’ palalawakin ang mahahalagang programa ng ‘Department of Science and Technology (DOST),’ magtatalaga ng ‘Science for Change Fund,’ iaaatas sa gubiyerno na isulong ang mahahalagang ‘technological developments,’ palalaguin ang ugnayan sa agham ng pribado at pampamahalaang sektor,” at inaatasan ang pamahalaan na paabutin sa 2% ng badyet ng DOST ang laang pundo para sa S&T.

Kailangan ang akmang S&T ‘ecosystem’ o kapaligiran sa ating bansa. Sa kasaysayan ng katauhan, sadyang teknolohiya ang naging tagasulong ng pag-unlad. Kung lagi tayong huli sa pamumuhunan sa agham, mananatili nga tayong kulelat. Ganyan lang iyan ka-simple,” giit ng mambabatas na isa ring respetadong ekonomista.

Ayon kay Salceda, magkatugma ang CREATE Act at ‘Science for Change bill’ niya. “Sa ilalim ng CREATE, binibigyan ng malalaking insentibo ang R&D na doble ang mababawas sa babayarang buwis sa kabuuang kita ng mga rehistradong korporasyon. Kung ikaw ay sentro ng ‘research’ at maraming kumpanya na ang mayroon ng mga pasilidad na ganito, marahil ay wala ka nang babayarang buwis, dahil nga malaki na ang inilaan at ginasta mo sa ‘research’ o pananaliksik,” paliwanag ni Salceda.

Sisikapin ko na ang mabisang pakikipag-ugnayan sa DOST ng mga kumpanya ay hahantong sa dobleng kabawasan sa kanilang babayarang buwis. Sa lalong madaling panahon, tatapusin namin at ng Department of Finance (DOF) ang mga panuntunan sa implementasyon ng CREATE, at titiyakin ko na magiging kapaki-pakinabang para sa ‘Science for Change programs’ ang mga nakatalagang insentibo ng CREATE,” dagdag niya.

Inaamuki ko rin ang mga ‘investment promotions agencies (IPAs)’ na isulong ang Pilipinas na maging ‘research hub.’ Kasama sa mga iimbitahan natin ang mga kumpanyang may mga ‘research facilities’ dahil mabisang instrumento din sila sa paglipat ng teknolohiya at pang-matagalang pag-asenso. Kung ang mga kabataan natin ay matututo at mahihirang sa naturang mga ‘research hubs,’ magkakaroon tayo ng henerasyon ng mga imbentor, malikhaing mga negosyante at tagapagtatag ng ating hinaharap,” madiin niya paliwanag.

Naghihintay ngayon ng aksiyon ang ‘Science for Change bill’ sa ‘Committee on Appropriations’ ng Kamara.