Home>News>Nation>Sanhi ng baha sa Cagayan, Isabela pinapasilip

Sanhi ng baha sa Cagayan, Isabela pinapasilip

ISINISI ng isang peasant group sa black sand mining na isa umano sa dahilan ng naranasang “worst flood” sa Cagayan at Isabela matapos manalasa ang bagyong Ulysses.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), talamak din ang iligal at legal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka na ngayon nararanasan ang epekto nito.

Sinabi ng KMP na dapat tanungin rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa paglubog ng Cagayan at Isabela.

Sinabi ni KMP President Danilo Ramos na matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang dredging sa Cagayan River subalit hindi ito binibigyang pansin hanggang magkaroon na ng pagbaha.

Ipinag-utos na ng DENR ang dredging sa may 30 kilometrong Cagayan River. Kasabay ng gagawing dredging, hiniling ng grupo na magkaroon ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng black sand mining at maging ang legal logging.

Ang black sand mining ay tinuturing na legal basta lamang maisyuhan ng permit ang mga nasa likod nito.

Inamin ni Ramos na bagamat naghigpit sa black sand mining ay marami pa rin silang nakikitang Chinese vessels na nagsasagawa nito at ikinukubli ang ilegal na operasyon sa dredging.

Ibinunyag pa nito na mismong mga kawani pa ng local government units (LGUs) ang kanilang nakikitang nagbabantay sa mga Chinese vessel.

Sinasabing nasa $50 milyon o P2.6 bilyon kada buwan ang kinikita ng mga kontraktor sa black sand mining sa Cagayan.

Ginagamit ang black sand na stabilizer sa concrete at steel products at sa mga alahas at cosmetics manufacturing.

Ang Hongkong ang isa sa bansang ma y malaking pangangailangan sa black sand. Bagamat maganda ang kita sa black sand mining, malaki naman ang epekto nito sa kalikasan na pangunahin umanong dahilan sa pagkawala ng fishery resources, erosion ng lupa at pagbaha kaya hiniling sa inihaing Senate Bill (SB) No. 1075 ni Sen. Leila de Lima ang total ban nito.

Naunang ibinabala ni De Lima na ang Cagayan ay maaaring malubog sa baha sa loob ng 30 hanggang 70 taon bilang epekto ng black sand mining kung hindi ito tuluyang ititigil.

Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa black sand mining sa Cagayan at hinihintay pa rin hanggang sa ngayon na maparusahan ang mga nasa likod nito.

Umapela si Ramos sa liderato ni Speaker Lord Allan Velasco na isama ang iligal logging at black sand mining sa kanilang isasagawang imbestigasyon sa dahilan ng massive flooding na naranasan nang hagupitin ng bagyong Ulysses ang Cagayan.

Iginiit ng KMP na mas magiging komprehensibo at makakatulong sa bansa kung isasama ang iligal na black sand mining at iligal logging sa imbestigasyon ng Kamara de Representantes para mareresolba ang ugat ng pagbaha sa Cagayan at Isabela.

Comprehensive investigation ang dapat na gawin ng Kamara, dapat matapang nilang silipin ang mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining na siyang talamak sa Cagayan, dahil ito ang siyang problema at dahilan ng paglubong ng lalawigan,” pagtatapos pa ni Ramos.