Satur bawal sa Lumad ‘area’

December 03, 2018

IKINAGALIT ng mga lider ng mga katutubo sa Mindanao (Lumad) ang anila’y “pagtangay” ng grupo ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ACT Teachers Partylist Rep.  France Castro, sa kanilang 14 na kabataan mula sa Salugpungan Learning Center sa  Davao Del Norte noong isang linggo, kasabay ng panawagan na huwag nang muli pang papasok ang kanilang grupo sa teritoryo ng mga Lumad sa Mindanao.

Ang grupo ni Ocampo at Castro kasama ang 15 pa ay naharang noong Miyerkules, Nobyembre 28, 2018, dakong alas-10 ng gabi sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte kasama ang 14 na kabataan mula sa nasabing paaralan ng mga Lumad.

Sa mismong istasyon ng pulis sumugod ang mga magulang at Lumad lider na si Bai Pilar upang kastiguhin ang tangkang pang-aagaw ng kanilang mga anak at kabataang Lumad.

Inihayag ni Bai Pilar na mismong ang New People’s Army (NPA) ang siyang nakakapanggulo sa kanilang tribu at ginagamit lamang sila upang labanan ang pamahalaan.

“Bakit ninyo kukunin ang aming mga kabataan samantalang wala namang kaguluhang nangyayari sa aming lugar? Noon pa man magsimula nang kayo ay nakihalo sa amin, marami na ang mga namatay.

“Kapag umaakyat kayo sa aming mga bundok siguradong may patayan, dahil kayo ang unang pumapatay ng mga sundalo,” pahayag ni Bai Pilar sa harap ni Ocampo, Castro at iba pa nilang mga kasamahan.

Sinabihan ng Lumad lider sina Ocampo at Castro na huwag na muli pang aapak sa kanilang tribu o lugar upang matigil na ang kaguluhan.

“Iwanan niyo ang aming mga kabataan at kunin na lamang ang inyong mga guro na walang itinuturong kabutihan kundi ang labanan ang pamahalaan. Ayaw na namin pang muling may mamatay sa aming lahi,” ang paggigiit ni Bai Pilar sa grupo ni Ocampo at Castro.

Ang Salugpungan Learning Center ay matagal nang pinasara ng local unit ng Department of Education o DepEd dahil na rin sa kahilingan ng mga lider ng tribu dahil wala naman daw itong itinuturo sa mga batang Lumad kundi ang magrebelde sa pamahalaan.

Nakitaan naman ng ‘probable cause’ ng piskalya ang mga reklamong inihain ng awtoridad sa grupo ni Ocampo sa ilalim ng RA 7610 o paglabag sa batas na nagbabawal sa pang-aabuso sa mga kabataan.

Pinayagan naman ng korte na makapaghain ng piyansa sina Ocampo para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Sa bukod namang pahayag, sinabi ng mga militanteng grupo sa Kongreso na maghahain sila ng resolusyon upang imbestigahan ang anila’y naging mga “paglabag” naman ng mga awtoridad sa mga karapatan nina Ocampo, partikular na ni Castro na isang aktibong mambabatas.