Sen. Imee Marcos: Halos P80-M ASF fund dapat masusing bantayan ng Senado

September 21, 2019

BABANTAYAN ng Senado ang paggastos sa P78-milyong pondong inilaan ng Dept. of Agriculture (DA) bilang emergency fund at quarantine operations para tuldukan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) virus.

Ginawa ni Senador Imee Marcos ang pahayag matapos na aprubahan ni Pang. Digong Duterte ang pondo na inilaan sa Bureau of Animal Industry (BAI) para protektahan ang bilyun-bilyong pisong hog raising industry sa bansa.

Sinabi ni Marcos na dapat gamitin sa wastong paraan ang pondo para sa disease monitoring and surveillance, laboratories upgrade, capacity-building at iba pang disease control measures.

Ayon pa kay Marcos, dapat matiyak na mapapakinabangan ng  mga hog raiser ang pondo lalo na ang mga maliliit na backyard piggery sa lalawigan ng Rizal at Bulacan na kumpirmadong may ASF outbreak.

“Dapat tiyakin ng DA na hindi ito maibubulsa lang ng ilang tiwaling opisyal sa ahensya. Sana ay magastos talaga ang pondo sa pagsugpo ng ASF virus para hindi na maapektuhan pa ang ibang probinsya.”

Giit pa ni Marcos na dapat masiguro ng DA at BAI na hindi rin tatamaan ng ASF virus ang mga baboy sa Ilocos region dahil ito ang pangunahing negosyo ng mga Ilokano, kabilang na ang meat products gaya ng bagnet at longganisa.

Nauna rito, nangako si Agriculture Sec. William Dar na bibigyan ang hog raisers ng P3,000 cash assistance sa bawat baboy na pinatay sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.

Bukod dito, naglaan din ang DA ng P30,000 loan assistance sa bawat mag-aalaga ng baboy na babayaran sa loob ng tatlong taon at may zero interest pa.

Samantala, iminungkahi rin ng Ilocano solon na dapat pulungin ng DA ang mga governor at local veterinary officers upang maplantsa ang panuntunan sa pagpuksa ng ASF virus at maitakda ang geographic zoning plan sa mga apektadong lugar.