Home>News>Nation>Senglot na sekyu nagpaputok ng baril!

Senglot na sekyu nagpaputok ng baril!

NANGANGANIB na masibak sa trabaho ang isang 24-anyos na security guard matapos magwala at magpaputok ng baril sa binabantayang establisimiento Lunes ng gabi sa Valenzuela City

Nakakulong at nahaharap ngayon sa kasong illegal discharge of firearm, alarm and scandal si James Valenzuela, stay-in security guard ng Filipino Metal na nasa 18 Narciso St., Canumay West makaraang dakpin ng mga tauhan ng Canumay Sub-Station matapos ireklamo ng mga kapuwa security guard.

Sa ulat ng pulisya, off duty na ang suspek nang dumating ng lasing sa kanilang barracks at kaagad sinipa ang pintuan bago nagtuloy sa kanilang opisina at ikinalat ang lahat ng dokumento.

Tinangkang pakalmahin ng kanyang mga kapuwa guwardiya si Valenzuela subalit hinamon pa niya ng suntukan ang mga ito bagama’t walang pumatol.

Nang tangkain ng suspek pumasok sa silid kung saan nakalagay ang kanilang service firearm, dito na siya pinigilan ng guwardiyang si Reynald Regla subalit itinulak niya ang huli kaya’t nalaglag ang kalibre .38 service firearm nito na nakasukbit sa holster.

Dinampot naman ng suspek ang baril at ipinutok sa drum na lalagyan ng basura bago nagtuloy sa guardhouse ng katabing kompanya at isinuko sa nakatalagang guwardiya ang baril.

Publication Source :    People's Tonight