Si Abby mayor ko -- VP Binay

November 14, 2018

MULING iginiit kahapon ni dating Bise Presidente Jejomar Binay na kanyang sinusuporthan ang kandidatura ng kanyang anak na si Makati Mayor Abby Binay sa pagtakbo nito bilang re-electionist sa pagka-alkalde ng lungsod.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Binay na naniniwala siyang ang kanyang anak na si Abby ang magpapatuloy ng ‘legacy’ o “pamana” ng mga Binay sa lungsod ng Makati kung saan pinamahalaan niya ng mahigit na dalawang dekada na hanggang sa kasalukuyan.

“Si Abby ang magpapatuloy ng pamana ng mga Binay sa Makati,” aniya.

Pinabulaanan din ng dating Bise Presidente na magkakaroon ng “switching” sa nakatakdang deadline ng Comelec (Commission on Election) nitong Nobyembre 29, ng pagpapalit ng mga kandidato, na siya mismo ang kakandidato sa pagka-alkalde ng lungsod at hahalinlin sa kanyang anak na si Abby.

“Walang katotohanan iyan,” ang sabi ni Binay ng pabulaanan na may plano siyang pumalit sa kandidatura ng kanyang anak na si Abby sa pagka mayor ng Makati.

Dagdag pa niya, wala ring katotohanan na ang kanyang manugang na si Congressman Luis Campos, ay siya ring papalit bilang kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod.

“Pawang mga tismis lamang ang inyong naririnig,” payahag ng dating Bise Presidente, na siya ngayong kumakandidato bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Makati sa ilalim ng kanilang partido na United Nationalist Alliance (UNA).

“Si Abby ang mayor ko. Nararapat lamang na siya ay muling mahalal,” pagdidiin ni Binay.

Aniya ang napabalitang  $3.7 bilyong subway system na inilatag upang maiugnay ang pambansang “financial district” sa taong 2025 ang magpapatunay sa kahusayan ng kanyang anak na si Mayor Abby.

Ito ay isang bagay na maipagmamalaki ng lokal na pamahalaang lungsod at ng mga residente, na ang kaunaunahang subway project sa bansa ay magbubunga rin ng anim na libong trabaho at pangmatagalang paglago ng ekonimiya ng lungsod ng Makati.

Base sa pagtaya ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ang sampung kilometrong ‘underground train project’ -- ay maisasagawa ng pamahalaang panglungsod na wala anomang gastos -- at mangangahulugan na $600 milyong kada taon ang maiaambag ng lungsod sa pambansang  gross domestic product o GDP.