Home>News>Nation>Solon: MORE Power gustong patahimikin Iloilo consumers

Solon: MORE Power gustong patahimikin Iloilo consumers

KINASTIGO ni AKO BISAYA Party-List Representative Sonny Lagon ang More Electric and Power Corporation (MORE Power) sa umano’y tangkang pagpapatahimik sa mga consumers sa Iloilo sa halip na tugunan ang palpak na serbisyong inirereklamo laban sa kanila.

Sonny Lagon
AKO BISAYA Party-List Rep. Sonny Lagon

“Wala silang sariling facilities pero pinayagan silang mag-takeover. Dapat nagkaroon muna sila ng konkretong plano bago sila pinayagang pumasok ng Iloilo City,” ani Lagon. “At dahil hindi wasto ang kanilang serbisyo, nahihirapan ang mga kapatid nating taga-Iloilo City.”

Ang pagpuna ng kongresista ay sa gitna ng mga akusasyon ng mga consumer na nilabag umano ng MORE Power ang itinakdang 6.25% systems loss charge ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ipinapasa diumano ng MORE Power sa consumers ang sobrang systems loss charge dahilan upang lumobo ang kanilang electricity bills.

Ayon sa consumer advocacy group na Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), may basbas ng MORE Power ang pagbuo ng isang pekeng KBK upang “patahimikin” ang mga consumer na patuloy sa pagrereklamo laban sa serbisyo ng MORE Power. Partikular na nagde-demand ang mga consumer sa Iloilo ng P20.9-milyong refund mula sa MORE Power dahil sa sobra-sobrang systems loss charge.

Noong Hunyo, nagsampa si Lagon ng House Resolution No. 785 na humihiling ng congressional investigation sa power situation sa Iloilo City upang mapigilan ang matinding epekto nito sa ekonomiya at pamumuhay ng mga residente sa lungsod dahil sa palpak na serbisyo ng MORE Power.

“Before kasi nung si PECO (Panay Electric Company) nag-operate diyan, hindi naman talaga na-experience ng mga tao ng Iloilo City ang mga ganitong brownouts. Kung umasa lang sila kay MORE sa ngayon, since wala pang kumpletong facilities si MORE, talagang hindi maiwasan na magkaroon ng mga brownout sa Iloilo City,” ani Lagon sa naunang statement.

Ang power situation sa Iloilo ay ang kauna-unahang pagkakataon sa Pilipinas kung saan kinamkam ng isang bagitong kumpanya ang power distribution assets ng dating distributor.

“Dumaan naman sa due process. Pero sabihin na nating hilaw,” ani Lagon.

Ang isyu ng corporate takeover ay naging paksa rin ng opinyon ng kilalang constitutional expert at Ateneo School of Governance Dean Tony La Viña na nagpahayag ng pangamba na ang nasabing kaganapan ay maaaring maging dahilan para ang ilang power distributors ay manganib rin sa unconstitutional na expropriation ng assets.

Sinabi ni La Viña na ang ginawang expropriation ng MORE Power ay lumabag sa right to property ng PECO dahil ang mga ari-ariang kinamkam ay labas sa prangkisang ipinagkaloob ng Kongreso sa MORE Power.