Home>News>Nation>Sotto binuweltahan si salceda

Sotto binuweltahan si salceda

P10B pondo sa pagpapagawa ng Senate bldg ‘wag gamiting isyu sa pagbuo ng DDR

BINUWELTAHAN ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Albay Rep. Joey Salceda nang sabihing “unfair” ang pamumuna ng kongresista sa paglalaan ng Senado ng P10 bilyon para sa itinatayong bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City habang tinututulan ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR) na inisyal na mangangailangan ng P2 bilyon.

Ayon kay Sotto, hindi tamang ikumpara ang ginagastos sa Senate Building dahil wala itong kinalaman sa isyu ng pagtatayo ng bagong departamento.

Sinabi ni Sotto na hindi naman ang mga kasalukuyang nakaupong senador ang makikinabang sa modernong gusaling ipinatatayo kundi ang susunud na mahahalal na mga senador kung saan makatitipid ng malaki kumpara sa kasalukuyang pag-upa sa Government Service and Insurance System (GSIS) ng P171 milyon kada taon.

Walang kinalaman ‘yon sa pagtatayo ng ibang departamento. It’s not fair to include that. Magkaiba ‘yon, eh. Huwag niyang idikit ‘yon.

Hindi naman kami ang makikinabang dito, ‘yong mga darating pang senador. Imbes na nagbabayad sila, may sarili na silang building,” depensa ni Sotto.

Hindi naiwasan ni Salceda na batikusin ang Senado matapos tumutol ang mga senador sa pagbuo ng DDR dahil sa kawalan ng pondo.

Kung nahanapan ng P10 bilyong pondo ang Senate Building, iginiit ni Salceda na dapat hanapan rin ng paraan ang paggasta sa DDR na siyang tutugon sa problema ng bansa sa panahon ng kalamidad.

Sa kabila ng pagtutol ng Senado, nanindigan ang Kamara de Representantes na dapat isabatas ang DDR hindi lamang dahil priority bill ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi sa pangangailangan na magkaroon ng isang ahensya na tututok sa mga kalamidad.

Sakaling mabuo ang DDR, sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na magkakaroon ng mas malinaw at epektibong pagtugon ang pamahalaan laban sa kalamidad at maiiwasan ang turuan at sisihan.

Ngunit para sa ilang mga senador, hindi magandang ideya ang DDR na dagdag gastos lamang sa pamahalaan.

Maliban kina Sotto, Sens. Franklin Drilon, Richard “Dick” Gordon at Panfilo “Ping” Lacson, naniniwala rin si Sen. Sherwin Gatchalian na dapat munang pag-aralang mabuti ang panukalang pagbuo ng DDR.

Sa ipinapanukalang DDR, ipinaliwanag ni Gatchalian na magiging “centralized” ang pagharap sa problema sa halip na lalong palalakasin ang disaster response ng local government units (LGUs).

Naging mayor din ako ng nine years, ayaw natin ng isang napakabigat na centralized approach dahil kung lahat ng desisyon o tulong ay manggagaling pa sa Metro Manila ay talagang huli na. Hindi lang pondo problema dito, ang konsepto din. Gusto ba natin centralized o decentralized? Ang pananaw ng mga senador dapat nasa LGUs ang kakayahan,” paliwanag ni Gatchalian.

Ang panukalang pagbuo ng DDR ay isa sa priority measures ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na agarang ipinasa ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa noong Setyembre 21 sa ilalim ng pamumuno ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa loob ng halos isang buwan, limang malalakas na bagyo ang pumasok sa bansa na kinabibilangan ng mga bagyong Ofel, Quinta, Rolly, Tonyo at Ulysses na tumama sa Bicol Region at Metro Manila.

Sinabi ni Salceda na kitang-kita ang kahinaan sa pagtugon ng bansa sa

kalamidad sa nagdaang mga bagyo.

Naging malamya pa rin ang pagtugon ng Senado sa pagbuo ng DDR kahit apat na beses nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na isabatas ito.

Umaasa na lamang si Salceda sa political leadership ng administrayon at ang puwersa ng Duterte Coalition sa Senado para maisabatas ito.