Home>News>Nation>Sundalong nabundol ng bus, patay!

Sundalong nabundol ng bus, patay!

NASAWI ang isang sundalo ng Philippine Army (PA) makaraang mabundol ng isang pampasaherong bus ang minamaneho nitong motorsiklo sa EDSA, Quezon City, Martes ng hapon.

Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Corporal Jeminez Dolar Bolima, 34, miyembro ng Philippine Army (PA), nakatalaga sa Command Group at residente ng San Jose, Pili, Camarines Sur, sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo.

Agad namang naaresto ang suspek na si Steve Paler Balisalisa, 40, driver ng Admiral Bus (NDJ-7460) at residente ng Blk 13, Lot 11 San Rafael Del Monte, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Joel Aviso, ng Traffic Sector 4 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2 p.m. (December 1) nang mangyari ang aksidente sa southbound lane ng EDSA Aurora Boulevard Tunnel sa Bgy. Immaculate Concepcion, sa lungsod.

Binabagtas umano ng biktima sakay ng Keeway motorcycle ang southbound lane ng EDSA galing sa Kamuning Road at patungong P. Tuazon Boulevard, habang ang pampasaherong bus na minamaneho ng suspek ay nasa ‘carousel lane.’

Pero biglang pumasok umano ang sundalo sa carousel lane at nabangga ng bus ang kaliwang bahagi ng motorsiklo na sinasakyan ng biktima.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang sundalo sa semento at agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ng MMDA ambulance, subalit binawian din ng buhay bandang 2: 47 p.m., ayon kay Dr. Ria Tagulinao.

Ang bus driver ay nakapiit na Sector 4 ng QCPD habang inihahanda ang kasong ‘road crash resulting in damage to property with homicide.

Publication Source :    People's Tonight