Home>News>Nation>Taxi driver pinagsasaksak lalaking kasama ng gf sa silid

Taxi driver pinagsasaksak lalaking kasama ng gf sa silid

PINAGSASAKSAK ng 49-anyos na taxi driver ang lalaking hinihinala niyang ka-relasyon ng kanyang kalive-in matapos mahuli sa loob ng kanilang silid ang dalawa Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Nalapatan kaagad ng lunas sa Valenzuela Medical Center ang biktimang si Randy Dejac, 38, helper at residente ng 5 Goldendale St., Bgy. Tinajeros kung saan siya kasalukuyang nakaratay sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Naaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Northern Police District (NPD) Mobile Force Battalion ang suspek na si Hipolito Gelicame sa kanilang tirahan sa 143 Pangulo Road, Bgy. Panghulo at isinuko pa ang ginamit niyang patalim sa pananaksak sa biktima.

Lumabas sa imbestigasyon nina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Michael Oben na pumapasada ang suspek ng minamanehong taksi nang maisipan nitong gumarahe muna dakong 1:35 a.m. nang lingid sa kaalaman ng kanyang babaing kinakasama.

Nakapasok sa loob ng kanilang bahay si Gelicame nang hindi namamalayan ng kalive-in subalit nang pumasok siya sa kanilang silid, dito niya naabutan ang biktima at ang kinakasama.

Sa tindi ng galit at panibugho, kinuha ng suspek ang balisong na nakapatong sa loob ng kanilang refrigerator at sunod-sunod na inundayan ng saksak si Dejac habang nagtatakbo naman palabas ng bahay ang kanyang kinakasama upang humingi ng saklolo sa mga nagpa-patrulyang mga pulis.

Nakatakdang iprisinta ng mga pulis ang suspek sa piskalya ng lungsod ng Malabon para sa kakaharaping kasong frustrated homicide.

Publication Source :    People's Tonight