Home>News>Nation>Tulong ng media sa distance learning hiniling

Tulong ng media sa distance learning hiniling

NANAWAGAN si House Assistant Majority Leader and ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran sa lahat ng pribadong media networks na makipagtulungan sa distance learning program ng pamahalaan habang nagdurusa pa rin ang bansa sa coronavirus disease-19 (COVID-19).

Hinimok ni Taduran, isang broadcaster, ang lahat ng istasyon ng telebisyon at radyo na ibalik ang mga palabas na pambata na maaaring makatulong sa pagpapalawak at pag-unlad ng bokabularyo at kaalaman sa matematika, gayundin ang pagsusulong ng kagandahang-asal.

Hinikayat ng mambabatas ang media networks na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) sa posibleng produksyon ng mga bagong educational shows na makakatulong sa mga mag-aaral.

Ipinaalala ni Taduran sa media networks na may obligasyon silang gumawa ng mga palatuntunang pambata batay sa Broadcast Code of 2007 ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

“Sa ilalim ng Broadcast Code ng KBP, dapat ay 15% ng mga programa sa telebisyon at radyo ay para sa mga bata. It is the responsibility of the TV and radio stations to promote mental, physical, social and emotional development of the children through their programs,” ayon kay Taduran.

Sa halip na punahin ang mga mali ng DepEd sa kanilang modules, sinabi ni Taduran na dapat tulungan na lamang ang departamento na mapaunlad ang kanilang distance learning system.

“Sa halip na pumuna lang, dapat ay makipagtulungan tayo sa DepEd para maitama ang mga mali sa kanilang modules. Kug mayroon man kayong nakikitang problema, hindi ba mas maganda kung may maipo-propose kayong solusyon? Kung mayroon tayong educational shows na mai-po-produce ng bright minds ng media sa pakikipagtulungan ng DepEd, mababantayan ang mga mali at ang mailalabas lamang ay ang mga tamang dapat matutunan ng mga bata,” pagtatapos ni Taduran.

Publication Source :    People's Tonight