Home>News>Nation>Velasco ‘sinuway’ si PRRD?

Velasco ‘sinuway’ si PRRD?

SINUWAY umano ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at ng kampo nito si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa patuloy na pamumulitika nila upang maiupo ang kongresista bilang Speaker ng Kamara.

Matapos magsalita ni Duterte tungkol sa national budget at sa panawagang ‘wag gamitin ang kanyang pangalan sa pamumulitika, hindi naman tumigil si Velasco at kanyang mga kaalyado sa pamumulitika at pagbira kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Nabulgar ang balak ng kampo ni Velasco na sa halip unahin ang pagpasa ng 2021 national budget na siyang layunin ng ipinatawag na special session ng Palasyo, mas binigyang diin nila ang pamumulitika.

Sa isang online presscon na ginanap kahapon, isiniwalat ni Deputy Speaker Lray Villafuerte ang dalawang text messages mula sa mga kaalyado ni Velasco na nagpapahiwatig ng patuloy na pamumulitika at pagtututok ng kabilang kampo sa pagpapapalit ng liderato ng Kamara ngayong alas-10 ng umaga araw ng Lunes sa pamamagitan ng illegal na session sa kamara.

Sa isang text message na pinadala umano sa mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC), sinabi na ang agenda na ang pagpupulong sa Lunes ay ang “HOR Plenary” at “Leadership Change”.

Ayon sa umano’y text message, ang pamilyang Duterte ay nagkakaisa diumano sa kanilang paniniwala na dapat sundin ang gentleman’s agreement at sinusuportahan ni Mayor Sara si Velasco para sa pagiging Speaker.

Ang pagpapakalat ng mga ganitong text messages ay taliwas sa gusto ng Pangulo na magkaisa ang Kongreso para sa mabilis na pagpasa ng 2021 budget,” paalala ni Cong. Elipidio Barzaga.

Una ng ginamit ni Velasco ang pangalan ni PRRD nang ipakalat nito sa media ang mga katagang “It’s your time to shine sa ilalim ng term sharing.” Sinabi din umano ng kampo ni Velasco na pumapabor sa kanya si Deputy Speaker Paolo Duterte sa speakership issue sa kabila ng katotohanan na walang kinampihan si Duterte sa kanyang inilabas na statement sa media.

Nagkaisa naman ang mga kongresista mula sa mayorya ng Kamara na galing sa iba’t ibang partido na bibigyan nila ng prayoridad ang pagpapasa ng 2021 budget bago pag-usapan ang politika.

Nanawagan sina Deputy Speaker Lray Villafuerte, Anakalusugan Partylist Mike Defensor, Congressman Deputy Speaker Butch Pichay, Congressman Edgar Erice at Minority Floor Leader Benny Abante sa ilang kongresista na makiisa ang lahat sa pagdadaos ng Special Session na tinawag ng Pangulo sa October 13-16 at pagtuunan ng pansin ang pagtalakay at pagpasa ng budget.

Kung sino manggulo sa Special Session, sila ang sumusuway sa Presidente. Dapat managot sila sa taumbayan kung maantala pa ang pag-pasa ng budget,” sabi ni Villafuerte.

Ayon naman kay Deputy Speaker Pichay, malinaw ang sabi ng Pangulo na unahin ang pagpasa ng budget at huwag sirain ang pokus ng mga kongresista patungo sa pagpapalit ng liderato.